MGA LUMABAG NA ACCREDITED MOTORCYCLE AT CAR DEALERS, PINANAGOT NG LTO
- Published on August 8, 2026
- by Francis Paolo Torres
INANUNSYO ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang pinaigting na kampanya ng Land Transportation Office (LTO) laban sa mga paglabag sa proseso ng initial registration ng mga bagong sasakyan, sa ginanap na “Kwentuhan with the LTO Chief” ang pagsisimula ng pagpapatupad ng mga kaukulang parusa laban sa mga accredited motorcycle at car dealers na napatunayang hindi tumupad sa itinakdang proseso ng initial registration.
Ang hakbang ay kasunod ng mga isinagawang pagdinig sa mga Show Cause Order (SCO) na naunang inilabas ng LTO laban sa mga accredited motorcycle at car dealers na naharap sa mga reklamong may kaugnayan sa hindi pagsunod sa itinakdang panahon ng pagpo-proseso at paglalabas ng Official Receipt (OR), Certificate of Registration (CR), at plaka.
Batay sa mga inilabas na resolusyon, 37 dealers ang pinatawan ng multa, 39 naman ang pinatawan ng ₱500,000 multa at anim (6) na buwang suspensyon sa kanilang accreditation, habang 12 ang kinansela ang accreditation at isinailalim sa isang taong blacklisting dahil sa napatunayang paglabag sa mga umiiral na batas at regulasyon ng LTO.
“Hindi nagtatapos sa pag-iisyu ng SCO ang aksyon ng LTO sa pagpapanagot sa mga accredited dealer na hindi tumutupad sa kanilang mga obligasyon. Hindi namin hahayaan na ang kanilang kapabayaan ay patuloy na magdulot ng abala at paghihirap sa ating mga motorista. Ang mga dealer na patuloy na hindi susunod sa mga patakaran ng LTO ay haharap sa mas mabibigat na parusa, kabilang ang pagpapatigil ng kanilang operasyon,” pahayag ni Asec. Lacanilao
Binigyang-diin ng LTO na magpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na regulasyon upang matiyak ang maagap na pagproseso ng initial registration ng mga bagong sasakyan at mapanagot ang mga accredited dealer na hindi tumutupad sa kanilang mga obligasyon. Hinihikayat din ng ahensya ang publiko na magsumite ng mga reklamo laban sa mga accredited dealer na lumalabag sa mga umiiral na regulasyon sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page na Ireport mo kay LTO Chief o sa website na https://ireportmokayltochief.ph/ upang agad na maisagawa ang kaukulang aksyon at matiyak ang mabilis, maayos, at tapat na paghahatid ng serbisyo sa publiko.
(PAUL JOHN REYES)