IKA-125 ANIBERSARYO NG KONSEHO NG LUNGSOD NG MAYNILA, PINANGUNAHAN NINA MAYOR ISKO AT CHI ATIENZA
- Published on August 6, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINANGUNAHAN nina Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Konseho ng Lungsod ng Maynila, bilang pagkilala sa 125 taon ng paggawa ng batas at paglilingkod sa publiko.
May temang “Sangguniang Panlungsod ng Maynila: Paglingon sa Nakaraan, Inspirasyon sa Kinabukasan,” nagsimula ang programa sa isang Misa ng Pasasalamat sa Session Hall. Sinundan ito ng pagbubukas ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila: A Civic Heritage Exhibit sa Bulwagang Rodriguez, na tampok ang mga makasaysayang rekord ng konseho, mahahalagang ordinansa, at mga larawan na nagpapakita ng kasaysayan nito.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Vice Mayor Chi Atienza ang kahalagahan ng maayos na ugnayan ng Ehekutibo at Lehislatibo upang mas mabilis at mas epektibong maihatid ang mga programa at serbisyo sa mga Manileño.
“Bilang inyong Bise Alkalde at Presiding Officer, nais kong matiyak na ang Konseho ng Lungsod ay mag-iiwan ng makabuluhang pamana at magiging isa sa pinakamahusay sa paglilingkod sa ating lungsod,” ani Atienza.
Idinagdag pa niya na kapag nagtutulungan ang dalawang sangay ng pamahalaan, mas ramdam ng mamamayan ang mga programa at ordinansang ipinapatupad.
Pinuri rin ni Mayor Isko Moreno Domagoso si Vice Mayor Atienza sa pagpapanatili ng pagkakaisa sa konseho at sa pagtitiyak na ang mga lokal na batas ay naaayon sa mga prayoridad ng lungsod.
Hinikayat din ng alkalde ang mga konsehal na magpasa ng mga ordinansang may pangmatagalang pakinabang at maglilingkod hindi lamang sa kasalukuyan kundi maging sa mga susunod na henerasyon.
Matapos ang ribbon-cutting at pag-iikot sa exhibit, nagkaroon ng Anniversary Parade sa loob ng City Hall. Nagbukas din ng mga refreshment booth ang mga konsehal sa kani-kanilang tanggapan at nagtapos ang pagdiriwang sa isang tradisyunal na boodle fight sa Session Hall Lounge.
Ayon sa pamahalaang lungsod, ang pagdiriwang ay hindi lamang paggunita sa kasaysayan ng Konseho ng Lungsod kundi paalala rin ng patuloy na tungkulin nitong magpasa ng mga makabuluhang batas at tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga Manileño. (Gene Adsuara)