Paglikha ng National Cybersecurity Agency, kailangan ayon sa mga mambabatas
- Published on August 6, 2026
- by Francis Paolo Torres
INIHAYAG nina Camarines Sur Rep. Miguel Luis Villafuerte at FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe ang pangangailangan na magtatag ng isang National Cybersecurity Agency (NCSA) upang palakasin ang depensa ng bansa laban sa lumalalang banta ng cyber attacks, kasabay ng pag-apruba ng Kamara sa ikalawang pagbasa ng House Bill No. 9605 o ng panukalang National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act of 2026.
Layunin ng panukala na lumikha ng NCSA bilang pangunahing ahensiya na mangunguna sa pagpapatupad ng cybersecurity policies, pambansang koordinasyon, at proteksyon sa mga critical information infrastructure ng bansa.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Villafuerte na hindi na lamang usapin ng information technology ang cybersecurity kundi isa nang usapin ng pambansang seguridad, dahil nakasalalay na sa digital systems ang mahahalagang serbisyo gaya ng pananalapi, kalusugan, transportasyon, enerhiya, at mga serbisyo ng pamahalaan.
“Ang tanong ngayon ay hindi na kung magkakaroon pa ba tayo ng malaking cyber attack. Ang tanong ay kung handa ba ang ating bansa kapag ito ay dumating,” ani Villafuerte.
Ayon sa kanya, palalakasin ng panukalang batas ang pambansang koordinasyon, incident response, at magtatakda ng minimum cybersecurity standards para sa mga critical information infrastructure.
Samantala, binigyang-diin ni Poe ang sunud-sunod na cyber attacks na tumama sa Kongreso, kabilang ang pag-deface sa website ng House of Representatives noong 2023 at ang magkahiwalay na pag-atake sa mga website ng Senado at Kamara noong Hunyo 2026.
“Cybercrime is no longer an isolated or occasional threat. It has become organized, industrialized, and increasingly sophisticated,” ani Poe.
Babala niya, habang ginagamit ng mga cybercriminal ang artificial intelligence, cloud technologies, at iba pang digital platforms upang palawakin ang kanilang mga pag-atake, “the Philippines can no longer afford to remain fragmented when it comes to our cybersecurity framework.”
Ayon kay Poe, kailangan ng Pilipinas ng isang pinag-isang cyber security strategy, sentral na koordinasyon, at mas matatag na proteksyon sa kritikal na imprastrakturang digital bago pa magkaroon ng cyber attack na maaaring makaapekto sa mahahalagang serbisyo publiko at pambansang seguridad.
Nitong Lunes, inaprubahan sa plenaryo ng Kamara ang House Bill No. 9605 National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act of 2026.
(VINA de GUZMAN)