• August 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

P1,000 fuel subsidy, tugon ng Valenzuela LGU sa tumataas na presyo ng petrolyo

OPISYAL na sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga kwalipikadong miyembro ng sektor ng transportasyon at delivery riders sa 5 sa ilalim ng programang Tulong sa Umiigting na Gastusin at Obligasyon Natin (TUGON) para protektahan ang kabuhayan ng mga trabahador sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

May kabuuang ₱13,401,000 ang inilaan ng pamahalaang lungsod para pondohan ang fuel subsidy program. Sa unang payout, mahigit 4,200 miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Associations (TODAs) ang nakinabang sa inisyatiba, na bawat isa ay tumatanggap ng ₱1,000 fuel subsidy.

Ang programang TUGON ay ipinatupad alinsunod sa Executive Order No. 2026-091, Series of 2026, na nilagdaan ni Mayor WES. Ang “An Ordinance Providing Cash Assistance to All Transport Sectors Within the Jurisdiction of Valenzuela City on Account of the Present Oil Price Hike, Providing Funds Therefor, and for Other Purposes Subject to Existing Auditing and Accounting Rules and Regulations.”

Sa ilalim ng ordinansa, ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ay tatanggap ng ₱1,000 fuel subsidy na layong madagdagan ang pang-araw-araw na gastos sa pagpapatakbo ng transport workers na patuloy na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa kadaliang mapakilos sa kabila ng mga hamon na dulot ng pagtaas ng presyo ng gasolina.

Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo; ang Tricycles-for-Hire (TFH), Public Utility Jeepneys (PUJs) at modernized jeepneys na may mga terminal sa lungsod, Transportation Network Vehicle Service (TNVS) operators and drivers na kinabibilangan ng Grab, JoyRide, Move It at similar platforms; Taxi drivers, Motorcycle taxi riders at Delivery riders na nag-ooperate sa lungsod.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor WES na prayoridad ng lokal na pamahalaan ang tiyaking makakatanggap ng tulong sa mga panahong tulad nito ang transportation and delivery services sa lungsod.

“Sa ngalan po ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela, hindi naman po puwedeng wala kaming gagawin. Hindi po tayo papaya na ang mga kababayan natin ay naghihirap at walang magawa sa malaking problemang ito…Kaya po makakaasa po kayo na kami ay magiging kaagapay niyo sa inflation, pagtaas ng bilihin na nararanasan ng lahat ng Pilipino,” ani Mayor Gatchalian. 

(Richard Mesa)