• August 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, umapela sa transport group ng dayalogo sa gitna ng transport strike

UMAPELA ang Malakanyang sa transport groups na isulong ang dayalogo sa gobyerno sa salip na magdaos ng transport strike para tugunan ang tumataas na global oil prices bunsod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kinikilala ng gobyerno ang mga hamon na kinahaharap ng mga drivers at operators dahil sa serye ng oil price increases, subalit binigyang diin na hindi solusyon ang transport strike.

“Ang nais ng pamahalaan ay pag-uusap, negosasyon, makita kung ano ang daing at kung mayroon man, magkakaroon ng transport rally. Hindi kasi ito ang tugon, hindi ito ang sagot sa mga ganitong klaseng issue dahil mas mahihirapan lang din po ang ating mga commuters sa gagawin ganitong klaseng aksyon,” ayon kay Castro.

Aniya pa, nananatiling bukas ang gobyerno sa pag-uusap at handang pakinggan ang mga hinaing ng transport groups para makahanap ng mapayapa at praktikal na solusyon.

Habang kinikilala ang karapatan ng mga grupo na magsagawa ng protesta, binigyang diin ni Castro na ang matagal na pagkagambala sa transportasyon ay hindi makatutulong sa ekonomiya at pangunahing pasanin sa commuting public.

“Hindi po natin pinipigilan ang sinumang nais na magkaroon ng pagpoprotesta, but still hindi po siya makakatulong sa ating ekonomiya. Kung anuman po ang gagawin ng anong grupo iyan,” dagdag na pahayag ni Castro. ( DARIS JOSE)