• August 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PINAY PATUNGONG RUSSIA, HINARANG NG BI

HINARANG ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 50-anyos na Filipina sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos matuklasang siya ay posibleng biktima ng human trafficking.

Sa una, sinabi ng pasahera na siya ay magbabakasyon sa Bangkok, Thailand sa loob ng apat na araw at nakatakdang bumiyahe sakay ng isang Philippine Airlines flight.

Gayunman, sa isinagawang secondary inspection ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI, inamin niya kalaunan na ang tunay niyang destinasyon ay ang Russia kung saan siya magtatrabaho.

Sa karagdagang pagtatanong, nabunyag na nagbayad siya ng ₱170,000 sa mga umano’y facilitator na nag-ayos ng kanyang recruitment at paglalakbay.

Inimbestigahan ito ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at upang mabigyan ng kaukulang tulong at suporta.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, patuloy na gumagamit ng iba’t ibang paraan ang mga human trafficker at illegal recruiter upang itago ang tunay na layunin ng mga manggagawang papunta sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagpapanggap na mga turistang magbabakasyon. 

(Gene Adsuara)