3 pasaway, dinampot sa sugal, droga sa Valenzuela
- Published on August 5, 2026
- by Francis Paolo Torres
BINITBIT sa selda ang tatlong individuals nang maaktuhang naglalaro ng ilegal na sugal at makuhanan pa ng droga ang isa sa kanila sa Valenzuela City.
Mahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 (Illegal Gambling Law) at Section 11 ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang suspek na si alyas “Sam”, 40, construction worker.
Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Police Investigator PSSg Christopher Quiao na habang nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Police Sub-Station 9 sa Industrial St., Brgy., Karuhatan nang maaktuhan nila ang tatlong individuals na nagsusugal umano ng ‘lucky 9’ dakong ala-1:05 ng madaling araw.
Nilapitan nila ang mga ito sabay nagpakilala bilang mga pulis bago inaresto at nakumpiska sa kanila ang bet money at gamit na baraha sa pagsusugal.
Bukod dito, nakuhanan din ng mga pulis ng isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu si alyas Sam.
(Richard Mesa)