• August 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Top 3 most wanted person ng NCRPO, nabitag sa Malabon

KALABOSO ang 30-anyos na wanted sa kaso ng paulit-ulit na pagmomolestiya sa menor-de-edad na biktima nang matunton sa kanyang tinutuluyan sa Malabon City.

Nadakma ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Benliner Capili ang akusado na si alyas “Topak” noong Biyernes ng gabi habang naka-tambay sa Hiwas Alley, Brgy. Longos.

Si alyas Topak ay nakatala bilang Top 3 Most Wanted Person ng National Capital Region Police Office (NCRPO) habang nasa Top 1 Most Wanted Person siya sa talaan ng NPD at Malabon City dahil sa karumal-dumal na kasong kanyang kinakaharap.

Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section at Woman and Children Protection Desk ang warrant of arrest na inilabas ng Malabon Family Court Branch 4 para sa 11-bilang ng Rape Through Sexual Assault at isang bilang ng Statutory Rape.

Ayon kay NPD Public Information Office (PIO) chief P/Lt. Reichel Raymundo, walang piyansang inirekomenda ang korte para sa kasong Statutory Rape habang may kabuuang piyansang ₱2,200,000.00 sa 11-bilang na kasong Rape Through Sexual Assault para sa pansamantalang paglaya. (Richard Mesa)