“Refund now, bawi later” scheme ng ERC, lubhang ikalulugi ng mga consumers
- Published on August 4, 2026
- by Francis Paolo Torres
ANG “Refund now, bawi later” scheme na ipinapatupad ng Energy Regulatory Commission’s (ERC) sa Manila Electric Company (Meralco) ay lubhang ikalulugi ng mga consumers, ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago.
Partikular ni tinukoy ni Elago ang pagpayag ng ERC sa Meralco na bawiin ang P8.709 billion na unrecovered generation, transmission, system loss, at iba pang charges sa consumers sa susunod na tatlong taon.
Ginawa ng ERC ang desisyon ilang araw matapos ipag-utos sa Meralco na mag refund ng P9.51 billion sa excess distribution rate collections.
At kahit pinaliwanag ng ERC na makakakuha rin ng refund ang mga consumers, sinabi ni Elago na walang saysay ito.
“Refund now, bawi later. Ano ang saysay ng refund kung babawiin din naman sa mga susunod na buwan at taon?” tanong ni Elago.
Pinuna ni Elago ang desisyon ng ERC na taliwas sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na alisin ang paniningil ng systems loss ng kuryente sa mga consumers.
“Sa isang banda, sinasabi ng administrasyon na aalisin ang system loss charges sa electric bill. Sa kabilang banda, pinapayagan namang singilin muli ang mga konsyumer para rito,” sabi ni Elago.
“Hindi kasalanan ng mga mamamayan ang pagkawala ng kuryente sa transmission at distribution, maging ito man ay dulot ng technical losses o iba pang operational inefficiencies. Hindi sila dapat ang pinagbabayad sa gastos na bahagi ng operasyon ng mga power utility,” dagdag ng kongresista.
Iginiit ni Elago na kailangan ang pangmatagalang solusyon. “Hangga’t nananatili ang EPIRA (Electric Power Industry Reform Act of 2001) at ang mga patakarang nagpapahintulot na ipasa sa mga konsyumer ang iba’t ibang gastos ng mga power utilities, mananatiling magulo at hindi makatarungan ang sistema ng paniningil sa kuryente.”
(VINA de GUZMAN)