LTFRB, NAGTAKDA NG PAGDINIG KAUGNAY SA MGA PETISYON SA DAGDAG-PASAHE
- Published on August 4, 2026
- by Francis Paolo Torres
PANGUNGUNAHAN ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II ang pagdinig kasama ang mga lider ng hindi bababa sa pitong pangunahing transport group sa Lunes, Agosto 3, upang talakayin ang mga nakabinbing petisyon para sa dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Chairman Vigor, ang pagdinig na nakatakda sa ganap na 9:00 AM ay alinsunod sa direktiba ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez na muling suriin at kwentahin ang hiling na dagdag-pasahe batay sa mga petisyong inihain ng iba’t ibang transport group.
“Layunin nating makabuo ng mga hakbang na katanggap-tanggap hindi lamang sa sektor ng PUV kundi pati na rin sa mga commuter, lalo na sa harap ng patuloy na hamon dulot ng sitwasyon sa Gitnang Silangan,” ani Chairman Vigor.
“Patunay din ito ng pagiging sensitibo ng pambansang pamahalaan sa mga alalahanin ng PUV sector na itinuturing naming makatwiran at lohikal.”
Mga saklaw ng pagdinig:
• Public utility jeepneys – kinakatawan ng PISTON at Manibela
• UV Express – Metro Comet Transport Service Cooperative, 997 Sandigan Transport Cooperative, UV Express National Alliance of the Philippines
• Aircon taxi – Metro Comet Transport Service Cooperative at Light of Glory Transport Service, Inc.
• Motorcycle taxi – United Transportation Coalition of the Philippines
Ipinadala na ang mga imbitasyon sa mga nabanggit na transport group, ngunit bukas din ang pagdinig para sa iba pang grupo, ahensya ng gobyerno, at mga stakeholder. Lahat ng petisyon para sa dagdag-pasahe ay inihain mula Marso hanggang Hulyo ngayong taon.
“Layunin ng pagdinig na tumanggap ng ebidensya, komento, at posisyon ng lahat ng interesadong partido hinggil sa mga nakabinbing petisyon,” dagdag ni Chairman Vigor.
Hinihikayat din ang mga nais magpahayag ng pagtutol o suporta na magsumite ng nakasulat na position paper at mga kaukulang dokumento alinsunod sa patakaran ng Board.
“Tinitiyak ng LTFRB na palaging susundin ang landas ng patas at walang kinikilingan upang makabuo ng solusyong katanggap-tanggap sa lahat ng sektor,” pagtatapos ni Chairman Vigor.
(PAUL JOHN REYES)