Revilla hahabulin pa rin sa P124 milyon ‘pork’ scam
- Published on August 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
HINDI pa tapos ang laban ni dating Senador Bong Revilla kahit nakapagpiyansa na siya ng P1 milyon para pansamantalang makalaya sa kasong malversation kaugnay ng P92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, nananatili ang obligasyon ni Revilla na bayaran ang P124.5 milyong civil liabilities na nakapaloob sa hatol ng kanyang acquittal sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.
“It was included in his judgment of acquittal in plunder and until now, the money has yet to be returned to the government,” ani Remulla.
Binigyang-diin ng Ombudsman na dapat bantayan ng Korte Suprema ang mga kasong may civil aspect, lalo na kung malaki ang pondong dapat ibalik sa gobyerno.
Noong 2018, ibinasura ng Sandiganbayan ang kasong plunder laban kay Revilla ngunit inatasan siyang ibalik ang P124.5 milyon sa national treasury.
Kasama ni Revilla sa kaso ang kanyang dating chief of staff na si Richard Cambe at negosyanteng si Janet Lim Napoles, na kapwa akusado sa multi-bilyong pisong pork barrel scam. ( DARIS JOSE)