622 SA 720 SCOs NA INILABAS MULA ENERO HANGGANG HULYO 31, 2026 NALUTAS NA NG LTFRB
- Published on August 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
NALUTAS na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang 622 sa 720 Show Cause Orders (SCOs) na inilabas mula Enero 1 hanggang Hulyo 31, 2026.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ang mahigit 86 porsiyentong resolution rate ay patunay ng mas mabilis at mas epektibong pagtugon ng ahensya sa mga reklamong may kaugnayan sa kaligtasan sa kalsada at disiplina ng mga pampublikong sasakyan.
“Mahalaga ring nasasabayan ng mabilis na pagresolba sa mga kaso ang mataas na complaint resolution rate nang hindi isinasantabi ang due process at pagiging patas,” ani Chairman Vigor.
Dagdag pa niya, layunin ng LTFRB na maalis ang backlog sa lahat ng kasong dinidinig ng ahensya.
“Layunin nating walang maiwang nakabinbing kaso o reklamo sa LTFRB. Maganda ang ating naging takbo simula ngayong taon at naniniwala akong nasa tamang direksyon tayo upang makamit ito,” dagdag niya.
Batay sa tala ng LTFRB, sa 622 kasong nalutas, 389 ang may kaugnayan sa paglabag sa Certificate of Public Convenience (CPC), 127 ay kaugnay ng mga road crash, 98 ang mula sa law enforcement operations, at walo ang may kinalaman sa paglabag sa mga patakaran sa PUV terminals.
Samantala, 71 kaso ang nakatakdang dinggin, habang 27 ang nakabinbin para sa resolusyon.
Muling nagpaalala si Chairman Vigor sa mga operator ng PUV na mahigpit na sumunod sa mga kondisyon ng kanilang CPC, at iginiit na ang prangkisa ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan.
Aniya, ang mga seryosong paglabag, gaya ng pagkuha ng mga iresponsableng drayber at hindi maayos na pagpapanatili ng mga sasakyan, ay maaaring magresulta sa suspensyon o pagbawi ng kanilang Certificate of Public Convenience o awtoridad na mag-operate.
(PAUL JOHN REYES)