• August 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pinahintulutan ng Sandiganbayan…Bong Revilla, nagpiyansa ng ₱1M para pansamantalang makalaya

PINAHINTULUTAN ng Sandiganbayan Third Division si dating Senador Bong Revilla Jr., na makapagpiyansa sa kinahaharap nitong kasong malversation na may kaugnayan sa umano’y “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan na nagkakahalagang ₱92.8 milyon.

Kinumpirma nitong Biyernes, Hulyo 31 ni Sandiganbayan Third Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma ang desisyon ng anti-graft court. Dahil dito, pansamantalang makalalaya si Revilla habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kaso.

Itinakda ng hukuman ang piyansa ni Revilla sa ₱1 milyon para sa kasong malversation. 

Nauna na rin siyang pinayagang makapagpiyansa ng ₱90,000 sa hiwalay na kasong graft na dinidinig ng Sandiganbayan Fourth Division.

Samantala, ibinasura naman ng Sandiganbayan ang mga petisyon para sa piyansa ng anim na kapwa akusado ni Revilla na pawang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineering Office. (DARIS JOSE)