Taasan ang annual income tax exemption ng mga manggagawa mula P250,000 hanggang P500,000, isinusulong
- Published on August 1, 2026
- by Francis Paolo Torres
ILANG mambabatas ng Akbayan Reform Bloc ang nagtutulak na taasan ang annual income tax exemption ng mga manggagawa mula sa kasalukuyang P250,000 hanggang P500,000.
“Filipinos are being strangled by the high cost of living. Hindi lang mga minimum wage earners kundi pati mga middle-income professionals ang namomroblema tuwing petsa de peligro. Expanding the coverage of the income tax exemption is a welcome respite for millions of Filipino employees and working professionals,” sabi ni Akbayan Rep. Perci Cendaña.
Sa inihaing House Bill 10440 nila Cendaña, mas mataas ang hinahabol sa tax exemption nito kaysa sa itinutulak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na P350,000.
“Kung malawak naman ang suporta sana hindi na ito paabutin pa ng susunod na taon. If the President can certify the measure urgent, then the House leadership will act on the bill ASAP. Kung papalarin bago mag Pasko pasado na ang batas at pagdating ng Enero ng sunod na taon, in-effect na ang income tax exemption,” sinabi ni Cendaña.
Bukod kay Cendaña, kabilang sina Rep. Chel Diokno, Rep. Dadah Kiram Ismula, and Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao sa naghain ng HB 10440.
Ayon kay Diokno, ang pagtaas ng threshold sa income tax exemption ay napakahalaga at napapanahong tulong sa mga manggagawa at kanilang mga pamilya sa harap ng mataas na presyo ng bilihin at serbisyo, kuryente, at produktong petrolyo.
“Sa pamamagitan nito, lalaki ang kanilang maiuuwing kita para sa pamilya at madadagdagan ang pantustos sa kanilang mga pangangailangan,” dagdag ng kongresista.
Sa inihaing panukala, mababago ang babayaran na income taxes, depende sa income brackets. Sa unang bracket, walang babayaran na buwis sa mga sumasahod o kumikita ng di hihigit sa P500,000.
Samantala, ang mga sumasahod o kumikita ng mahigit P500,000 subalit hindi hihigit sa P715,000 ay magbabayad ng 15 porsiyento sa sobra ng P500,000.
Doon naman sa mga sumasahod o kumikita ng mahigit P715,000 subalit hindi hihigit sa P1.3 million ay magbabayad ng P32,000 + 20 percent ng sumobra sa P715,000.
Doon sa mga sumasahod o kumikita ng mahigit P1.3 million na hindi hihigit sa P3 million ay magbabayad ng P145,000 na buwis plus 25 percent ng excess sa mahigit P1.3 Million. Maging ang annual income na mahigit P3 million pero hindi humihigit sa P11.6 million ay magbabayad ng P580,000 + 30 percent ng sumobra sa P3 million.
At doon sa mga sumasahod o kumikita ng P11.6 million annually ay pagbabayarin ng P3.15 million na buwis + 35 percent ng excess over P11.6 million.
(VINA de GUZMAN)