9 NA DAYUHAN, INARESTO NG BI SA OPERASYON LABAN SA MGA ILIGAL NA DAYUHAN
- Published on August 1, 2026
- by Francis Paolo Torres
INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang siyam na dayuhan sa isinagawang operasyon sa isang condominium complex sa Pasay City.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Bureau’s Fugitive Search Unit (FSU) sa pakikipag-ugnayan sa Southern Manila District Field Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at CIDG Regional Field Unit–National Capital Region (NCR).
Batay sa ulat ni FSU Chief Rendel Ryan Sy nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng BI sa tatlong condominium unit sa Sunrise Drive, Barangay 76, Pasay City matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga awtoridad ng Tsina tungkol sa isang Chinese national na umano’y sangkot sa pagpapatakbo ng isang iligal na online gambling hub na nakabase sa isang residential unit.
Sa isinagawang operasyon, nadatnan ng mga operatiba ang siyam na dayuhan na umano’y sangkot sa mga iligal na aktibidad ng online gambling sa loob ng mga unit.
Kabilang sa mga naaresto ang walong Chinese nationals na may edad 20 hanggang 30 at isang 33-anyos na Vietnamese national.
Napag-alaman din na ilan sa kanila ay overstaying na habang ang iba ay walang rekord ng pagpasok sa database.
(Gene Adsuara)