• July 31, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

alaking kawalan sa power industry kung tatanggalin ang system loss charges, hindi kapani-paniwala.

HINDI kapani- paniwala, ito ang naging reaksyon ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago sa pahayag ng Meralco na malaking kawalan sa power industry kung tatanggalin ang system loss charges, gaya ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na alisin ito.

“Hindi kapani-paniwala na isang kumpanyang kumita ng ₱26.5 bilyon sa loob lamang ng anim na buwan ang magsasabing hindi nito kayang akuin ang system loss charges. Kung may dapat magbayad, hindi ang mga konsyumer kundi ang mga korporasyong patuloy na kumikita ng bilyon-bilyong piso mula sa isang batayang serbisyo,” sinabi ni Elago.

Aniya, sa simula pa lang, hindi na dapat ipinapasa sa mga konsyumer ang system loss charges. 

“Hindi kasalanan ng mga mamamayan ang pagkawala ng kuryente sa transmission at distribution. Hindi sila dapat ang pinagbabayad sa gastos na bahagi ng operasyon ng mga power utility,” dagdag ni Elago.

Ayon kay Elago, ang posisyon ng Meralco ay nagpapatibay lamang ang pangangailangan na amiyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA). 

“Lumalabas ngayon kung bakit hindi sapat ang simpleng pag-amyenda sa EPIRA. Hangga’t nananatili ang batas na nagbibigay-prayoridad sa tubo ng malalaking power corporations, patuloy ding maipapasa sa mga konsyumer ang iba’t ibang singilin para proteksyunan ang kanilang napakalaking kita,” sabi ni Elago.

Nanawagan si Elago sa Kongreso na amiyendahan ang EPIRA sa lalong madaling panahon. “We urge lawmakers to fast-track the EPIRA amendments while working toward the law’s eventual repeal,” pahayag ng kongresista. (VINA de GUZMAN)