• July 31, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

55-anyos na tulak, huli sa akto sa P238K droga sa Valenzuela

BINITBIT sa selda ang 55-anyos na hinihinalang tulak ng iligal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu nang maaresto sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Miyerkules ng gabi.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek bilang si alyas “Joel”, (SLI/PUSHER) at residente ng Brgy., Bignay.

Ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA kasunod ng kanilang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Joel.

Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na positibo na ang transaksyon, kaagad lumapit ang back-up na operatiba at sinunggaban ang suspek dakong ala-1:20 ng madaling araw sa Galas Street Beside Valenzuela View, Barangay Bignay.

Nasamsam sa suspek ang humigi’t kumulang 35 grams ng suspected shabu na may standard drug price na P238,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at walong pirasong P1,000 boodle money, P200 cash at itim na coin purse.

Ayon kay SDEU Police Investigator PSSg Cris Paul Collo, inihahanda na nila ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) laban sa suspek sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni NPD Director Capili ang operating team sa kanilang pagsisikap na tugisin ang mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga.

Muli rin niyang pinagtibay ang hindi natitinag na pangako ng NPD sa pagpapatuloy ng mga agresibo at intelligence-driven operations laban sa iligal na droga bilang suporta sa kampanya ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na panatilihing ligtas at walang droga ang mga komunidad. (Richard Mesa)