Rep. Erice: “Hindi na bagong pangako ang kailangan ng bayan—katotohanan, pananagutan at tunay na reporma”
- Published on July 28, 2026
- by Francis Paolo Torres
BAGO ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inihayag ni Caloocan 2nd District Representative Edgar “Egay” Erice na hindi sapat ang panibagong listahan ng mga pangako. Ang hinihintay aniya ngayon ng sambayanang Pilipino ay malinaw na mga sagot sa mga isyung matagal nang bumabagabag sa bansa.
“Apat na taon na ang administrasyong ito. May tatlo na tayong SONA na puno ng magagandang pangako—murang pagkain, modernisadong agrikultura, mas maraming trabaho, paglaban sa korapsyon, repormang pampulitika, at mas mahusay na pamamahala. Ang tanong ngayon ay: alin ang tunay na natupad at alin ang nanatiling pangako lamang?” ani Erice.
Ayon kay Erice, may ilang hakbang na nararapat kilalanin, gaya ng pagbabawal sa POGO operations at pagpapatuloy ng ilang malalaking infrastructure projects. Ngunit sa mga pinakamahahalagang pangako ng Pangulo, lalo na sa usapin ng katiwalian at repormang pampamahalaan, marami pa ring hindi nasasagot.
“Ang pinakamalaking pangako ng Pangulo noong 2025 SONA ay ang paglilinis ng sistema matapos niyang sabihin ang tanyag na ‘Mahiya naman kayo’ laban sa mga umano’y sangkot sa anomalya sa flood-control projects. Hanggang ngayon, nais marinig ng taumbayan ang buong katotohanan.”
Sinabi ni Erice na sa kanyang pananaw, ito ang mga tanong na dapat sagutin ng Pangulo sa kanyang SONA:
Una, ano ang buong katotohanan tungkol sa mga infrastructure at flood-control appropriations mula 2023 hanggang 2025? Magkano ang pondong nasayang, na-divert, o hindi nagamit nang maayos? Paano ito nangyari, at ano ang naging resulta ng mga imbestigasyon?
Ikalawa, ano na ang naging bunga ng kampanya laban sa corruption? Nasaan na ang mga ipinangakong “big fish”? Ano ang naging resulta ng mga kasong isinampa at ng mga imbestigasyong isinagawa?
Ikatlo, handa bang tiyakin ng Pangulo na ang lahat ng opisyal na maaaring may pananagutan—anumang posisyon ang kanilang hawak o hinawakan—ay sasailalim sa patas, independiyente, at transparent na imbestigasyon batay sa ebidensiya?
Ikaapat, bakit hanggang ngayon ay wala pa ring ganap na institutional reforms laban sa korapsyon? Ano na ang nangyari sa panukalang Independent People’s Commission laban sa infrastructure corruption? Ano na ang estado ng CADENA Act na magbibigay ng ganap na transparency sa national budget?
Ikalima, ano na ang nangyari sa ipinangakong Anti-Political Dynasty Law? Halos apatnapung taon nang inaatasan ng Konstitusyon ang Kongreso na ipatupad ito. Kung seryoso tayo sa reporma, dapat wakasan ang monopolyo ng kapangyarihan ng iilang pamilya.
Ikaanim, ano ang pangmatagalang plano ng administrasyon laban sa inflation? Hanggang ngayon ay ramdam pa rin ng maraming Pilipino ang mataas na presyo ng pagkain, kuryente, pamasahe, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Ikapito, ano ang malinaw na polisiya ng Pilipinas sa gitna ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina? “Kailangan nating marinig na ang bawat hakbang sa ating foreign policy ay nakabatay lamang sa pambansang interes—sa ating soberanya, seguridad, ekonomiya, at kapayapaan,” ani Erice.
Ikawalo, panahon na bang baguhin ang direksiyon mula sa kulturang umaasa sa ayuda tungo sa ekonomiyang lumilikha ng disenteng trabaho, negosyo, at pangmatagalang kabuhayan? “Ang ayuda ay mahalaga sa panahon ng kalamidad at emerhensiya, ngunit hindi ito dapat maging pangunahing estratehiya laban sa kahirapan. Mas kailangan ng Pilipino ang oportunidad kaysa permanenteng pag-asa sa ayuda,” dagdag niya.
Ayon kay Erice, ang tunay na sukatan ng isang SONA ay hindi ang ganda ng talumpati kundi ang katapatan nitong harapin ang mga hindi pa nalulutas na problema ng bansa. (Richard Mesa)