PBBM, binati ang INC sa pagdiriwang ng kanilang ika-112 anibersaryo
- Published on July 28, 2026
- by Francis Paolo Torres
BINATI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Iglesia ni Cristo (INC) sa pagdiriwang ng ika-112 anibersaryo nito.
Kinilala niya ang mahigit isang siglo ng pagtataguyod ng pananampalataya, disiplina, at paglilingkod sa komunidad.
Sa kanyang mensahe, tiniyak ng Pangulo na “Ang pamahalaan ay kaisa ng mga organisasyong nagpapatatag sa pamilya, nagtataguyod ng kapayapaan, at nagpapalawak ng malasakit sa buong bansa.”
“Ipinapaabot ko ang aking taos-pusong pagbati sa Iglesia ni Cristo sa pagdiriwang ng ika-112 anibersaryo nito. Sa loob nang mahigit isang siglo, nagsilbing gabay ang INC sa isang komunidad na nakabatay sa pananampalataya, disiplina, at sama-samang pananagutan,” pahayag ng Pangulo.
“Mula sa simpleng simula, lumago ang INC bilang isang relihiyosong institusyon na umabot sa mga komunidad sa iba’t ibang panig ng mundo. Ipinapaalala ng inyong patuloy na paglilingkod na ang buhay na nakabatay sa debosyon at integridad ay nagpapatibay sa moral na pundasyon ng lipunan,”, diin ng Pangulo.
“Nawa’y muling pagtibayin ng anibersaryong ito ang banal na misyon na nagpapatatag sa inyong Simbahan sa paglipas ng mga henerasyon. Habang kayo ay nagtitipon upang magpasalamat, nawa’y lalo pang tumibay ang inyong paninindigan na isabuhay ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng pagtulong sa nangangailangan, pagdamay sa napapagod, at pagtataguyod ng pagkakaisa saan man kayo naglilingkod,” diin ng Punong Ehekutibo.
Hinikayat din ng Pangulo ang mga miyembro ng INC na patuloy na makiisa sa pagbubuo ng Bagong Pilipinas.
“Sa ganitong diwa, hinihikayat ko ang bawat miyembro ng INC na manatiling matatag na katuwang sa pagbuo ng bansa, kung saan ang pananampalataya ay ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod at ang pagiging mabuting mamamayan ay naipapakita sa tunay na malasakit sa kapwa,” ayon sa Pangulo.
Bilang pagtatapos, sinabi ng Pangulo, “May this celebration also inspire renewed reflection on your calling as we continue building the pillars of our Bagong Pilipinas. Mabuhay ang INC!”
“Nawa’y magsilbi rin ang pagdiriwang na ito bilang inspirasyon upang pag-isipang muli ang inyong misyon habang patuloy nating itinatayo ang matibay na pundasyon ng Bagong Pilipinas. Mabuhay ang INC!,” ang winika ng Pangulo.