Parehong wala ang parents nila sa civil wedding…Pagpapakasal ni BEA kay VINCENT, kumpirmadong natuloy na (ni: ROSE GARCIA)
- Published on July 15, 2026
- by Francis Paolo Torres
LUNES pa lang ay kumalat na agad ang balita na natuloy na ang kasalang Bea Alonzo at Vincent Co.
Hindi pa kami naniwala noong una dahil sa ilang pagkakataon na nga ba na nabalitang kasal nila, pero hindi natutuloy. Bukod pa sa ang talagang alam namin, nag-break na silang talaga after ng hindi natuloy na Spain wedding.
Pero ngayon, may ebidensiya na. May larawan na kunsaan, ang nagkasal sa kanila ay ang dating Senator na ngayon ay Makati Mayor na si Nancy Binay.
Sa pagkakaalam namin, parehong wala sa ginanap na civil wedding ang mga magulang nina Vincent at Bea. Ilang malalapit na kaibigan lang daw. Pero ngayon pa lang, may kutob na kami na ikakasal pa sila sa simbahan na posibleng engrande na.
In fairness, happy naman ang karamihan sa mga comment. Natutuwa ang mga netizens na pagkatapos ng lahat, sila pa rin ang nagkatuyan at nauwi pa rin sa kasalan.
So masasabing mahal talaga nila ang isa’t-isa.
Teka, may koneksiyon kaya ang nakarating sa amin na ang serye ni Bea sa GMA ay may deadline na dapat matapos na ang taping ng August o bago mag-August?
***
Aubrey, first time na magbibida sa horror movie na ‘Rosario’
TRAILER pa lang ay may dating na at ang bagong horror movie ng Viva Films mula sa panulat at direksyon ni Roni S. Benaid, ang “Rosario.”
Hango sa ilang paniniwalang Filipino at palabas na sa mga sinehan simula August 5.
Ayon sa tradisyon, naglalagay ng rosaryo sa kabaong upang gabayan ang kaluluwa ng yumao patungo sa langit. Ngunit, kailangan itong putulin bago ilibing ang patay. Kapag hindi ito nagawa, pinaniniwalaang magdadala ito ng sumpang kamatayan sa mga naiwan—at ito mismo ang haharapin ni Beth.
Isang mapagmahal na kapatid, mapipilitang lapitan at harapin ni Beth si Ave, ang kanyang kapatid na hindi niya nakilala at nakasama sa paglaki. Pagtatagpuin sila dahil sa isang trahedya—ang pagpanaw ng kanilang ina.
Habang nagluluksa ang pamilya, isang rosaryo ang ilalagay ng kanilang relihiyosong tiyahin sa loob ng kabaong. Ngunit sa gitna ng kanilang pagdadalamhati, makakalimutan ng pamilya ang huling hakbang ng ritwal.
Si Beth ay gagampanan ni Aubrey Caraan, makakasama niya sina Meg Imperial, Bernadette Allyson, Rose Van Ginkel, Jairus Aquino at Lance Carr.
Ang “Rosario” ang kauna-unahang pagbibidahan ni Aubrey sa pelikula. At mula sa VIVA One, pinagkatiwalaan na rin ang loveteam nila ni Lance sa pelikula.