PNP TUMULONG SA PAGLIKAS NG MGA RESIDENTE MATAPOS ANG LANDSLIDE SA MATI CITY
- Published on July 22, 2026
- by Francis Paolo Torres
AGAD na rumesponde ang mga tauhan ng Philippine National Police sa Mati City Police Station upang tulungan ang mga residenteng naapektuhan ng landslide sa Sitio Colilisi, Brgy. Tagabakid, Mati City, Davao Oriental noong Hulyo 19.
Sa gitna ng panganib dulot ng pagguho ng lupa, inalalayan ng mga pulis ang mga pamilya sa ligtas na paglikas at nakipag-ugnayan sa iba pang ahensya upang matiyak ang maayos na pagresponde sa insidente.
Limang bahay ang nawasak habang ilan pang kabahayan ang nagtamo ng pinsala. Pansamantalang hindi rin madaanan ang bahagi ng Pres. Diosdado Macapagal National Highway. Gayunman, naibalik ang one-lane access matapos ang isinagawang clearing operations.
Pinuri ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, Philippine National Police, ang mabilis at makataong pagtugon ng mga pulis sa lugar.
“Sa ganitong mga pagkakataon, higit na mahalaga ang presensya ng pulis na handang tumulong at magbigay ng pag-asa. Hindi lang pagpapatupad ng batas ang ating tungkulin—kundi ang pagprotekta sa buhay at kapakanan ng bawat Pilipino. Ipagpapatuloy natin ang ganitong uri ng serbisyo saanman tayo kailangan.”
Nanawagan din ang Chief PNP sa publiko na manatiling mapagmatyag, sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at mga awtoridad, at agad na lumikas sa oras ng panganib upang maiwasan ang mas malaking sakuna.
Patuloy na nakikipagtulungan ang PNP sa mga concerned agencies upang matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong komunidad, bilang pagpapatunay ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.
(PAUL JOHN REYES)