• July 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagtawag ng Tsina na unggoy sa mga Pinoy, hindi nagustuhan ni PBBM- Malakanyang

HINDI tanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ng sambayanang Filipino ang AI-generated video ng Chinese state media outlet na China Daily na naglalarawan sa mga Filipino bilang mga unggoy.

“Lahat ng Pilipino, hindi na natin kailangang makita kung anong reaksiyon ng Pangulo dahil kahit sinuman sa Pilipino, hindi magiging maganda ang pagtanggap, hindi matatanggap iyong ganoong paglalarawan sa mga Pilipino na bilang unggoy,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

“Siguro mayroon lang tayong ilang opisyal na tanggap na sila’y unggoy pero ang Pangulo ay hindi,” diing pahayag ni Castro. Hindi naman nito pinangalanan kung sino ang mga opisyal na kanyang tinukoy na ang paglalarawan sa mga Filipino ay unggoy.

Nauna rito, tinawag naman ng of Foreign Affairs (DFA) ang video na “racist,” “mapanlait” at “dehumanizing.”

Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na napanood na ni Pangulong Marcos ang AI-generated video ng China Daily na naglalarawan sa mga Pilipino bilang unggoy.

“Opo, napanood niya po ‘to at nag-report naman din po ang… si Secretary Tess Lazaro, si Secretary Gibo Teodoro at nakita na po natin kung ano pong mensahe ng mga ahensiya at ito po ay sinusuportahan po ng Pangulo,” aniya pa rin.

Samantala, sa panawagan naman ni Senator Risa Hontiveros sa Malakanyang na ipatawag si Ambassador to the Philippines Jing Quan para sa bagay na ito.

“Ah, ang ano po natin ay gumagawa na rin po ng aksiyon, si Secretary Tess Lazaro patungkol po diyan. Kung ano po ang balak ng Senado, nasa kanila po ‘yan at mandato rin naman po nila na alamin ang mga pangyayaring ito at para maipakita rin sa ating mga kababayan na kinukondena natin ang anumang pagmamaliit sa mga kapwa nating Pilipino,” ang tinuran ni Castro.

At nang tanungin si Castro kung may balak ba ang Pangulo na ipatawag ang Chinese Ambassador, ang naging tugon ni Castro ay “Si Secretary Tess Lazaro na po ‘yan.” ( DARIS JOSE)