• July 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

SWS: Trust ni Pangulong Marcos, bumagsak sa 34%

BUMAGSAK sa 34% ang trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang nanatiling matatag sa 57% ang kay Bise Presidente Sara Duterte.

Sa pinakahuling survey na kinomisyon ng Stratbase Group at isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) nitong ikalawang kwarter ng 2026, lumitaw na 34% lamang ng mga Pilipino ang nagsabing may “much trust” o malaking tiwala kay Marcos. Samantala, 45% ang may “little trust” at 19% ang “undecided.”

Ayon sa SWS, “The latest figures continue a downward trend from the President’s 64 percent trust rating in July 2024. Trust steadily declined throughout 2025, briefly recovering to 48 percent in June 2025 before falling again over the succeeding months to 34 percent in the latest survey.”

Sa kaparehong survey, 57% ng mga Pilipino ang nagsabing may “much trust” kay VP Duterte, hindi nagbago mula Marso 2026. Ngunit tumaas ng limang puntos ang may “little trust” sa kanya, mula 22% tungong 27%, habang 15% ang “undecided.”

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents, isang linggo bago ang ika-5 SONA ni Marcos sa Hulyo 27, 2026.

Ayon kay Stratbase Institute President Victor Andres “Dindo” Manhit, ang resulta ng naturang survey ay dapat magsilbing “wake-up call” para sa administrasyong Marcos.