• July 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, hinimok mamagitan sa LRT-1 Cavite Extension

Dapat nang mamagitan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa implementasyon ng P64.9 bilyong LRT-1 Cavite Extension Project na ilang taon nang naaantala.

Ito naman ang panawagan ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos para sa pagpapatuloy ng proyekto na inaasahang magpapagaan sa daloy ng trapiko at magpapabilis ng biyahe ng milyun-milyong mananakay mula Las Piñas, Parañaque, at Cavite. Ani Santos, hindi na dapat hayaang maantala pa ang isang proyektong may malaking pakinabang sa publiko.

Sinabi ng mambabatas na napatunayan na ni Pangulong Marcos ang kahandaan nitong mamagitan sa mga usaping may kinalaman sa mahahalagang serbisyong pampubliko. Kabilang dito ang pagtugon sa mga suliranin sa sektor ng tubig at ang pag-aksyon ng pamahalaan sa krisis sa suplay ng kuryente sa Siquijor.

Umaasa si Santos na maipakikita rin ng ­Pangulo ang kaparehong agarang aksyon sa mga natitirang isyu na humahadlang sa LRT-1 Cavite Extension upang tuluyan na itong makumpleto at mapakinabangan ng milyun-milyong commuter. (DARIS JOSE)