Cash aid sa 7.5 milyong mahihirap, low-income lalarga na
- Published on July 20, 2026
- by Francis Paolo Torres
SISIMULAN na sa susunod na linggo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng ?2,000 cash assistance sa 7.5 milyong benepisyaryo ng pinalawak na Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) na kinabibilangan ng poor, near-poor, at low-income households.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, hinati sa tatlong grupo ang mga tatanggap ng ayuda. Ang Group 1 ay binubuo ng 3.5 milyong Filipino na naka-enrol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program (WGP).
Group 2 ay ang 2.5 milyong indibidwal na hindi kabilang sa 4Ps ngunit tinukoy na poor at near-poor batay sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Samantala ang Group 3 ay ang 1.5 milyong low-income Filipinos na may Social Security System (SSS) accounts.
Ani Gatchalian, agad na makakukuha ng ayuda ang Group 1 at Group 3 dahil ididiretso ito sa kanilang accounts. Para sa Group 2, magsisimula ang manual payout, validation, at enrollment ng digital accounts sa susunod na linggo.
Isang beses lamang makatatanggap ng ?2,000 ang mga benepisyaryo ng 4Ps at WGP, samantalang anim na buwan (Hulyo-Disyembre) makatatanggap ang mga near-poor at lower-middle-income households.
Binanggit ni Gatchalian na layon ng programa na protektahan ang mga pinakamadaling maapektuhan ng tinaguriang “energy emergency.” Base sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), nasa 14M Pinoy ang mahirap. ( DARIS JOSE)