LTFRB, NAGPATUPAD NG LIMITASYON SA BOOKING, PLATFORM FEES NG MGA TAXI NA GUMAGAMIT NG APP-BASED BOOKING SERVICES
- Published on July 20, 2026
- by Francis Paolo Torres
BILANG tugon sa lumalawak na paggamit ng digital platforms sa pampublikong transportasyon, nagpatupad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ng limitasyon sa maaaring singiling booking o platform fee ng mga taxi na gumagamit ng online o app-based booking services.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, bumuo ang Board ng Memorandum Circular (MC) No. 2026-055 bilang gabay sa mga taxi operator at digital booking platform providers. Inaprubahan na ang naturang circular at magkakabisa ito matapos mailathala sa isang pahayagang may pangkalahatang sirkulasyon.
Sa ilalim ng MC No. 2026-055, ang booking o platform fee ay hindi maaaring lumampas sa 20% ng kabuuang aprubadong pasahe o ₱60, alinman ang mas mababa.
Nilinaw ni Chairman Mendoza na ipatutupad ang itinakdang booking o platform fee sa lahat ng taxi na gumagamit ng online transport platforms. Inatasan din ang mga operator na malinaw na ipakita ang booking o platform fee sa fare computation, booking confirmation, at electronic receipt. Hindi rin maaaring maningil ng karagdagang booking fee, convenience fee, service fee, platform surcharge, o iba pang kahalintulad na bayarin nang walang paunang pag-apruba ng LTFRB.
Binuo ang MC matapos makatanggap ang LTFRB ng mga reklamo at katanungan hinggil sa iba’t ibang booking fees na sinisingil ng ilang taxi operator. Sa pagrepaso ng Board, napag-alamang ang tanging umiiral na kaugnay na polisiya ay ang MC No. 2025-058 para sa TNVS, na nagtatakda ng fixed pick-up fare.
Ayon sa LTFRB, ang kawalan ng malinaw na patakaran sa booking fees ng mga taxi ay nagdulot ng hindi pare-pareho at hindi awtorisadong paniningil, na nagiging sanhi ng kalituhan sa mga pasahero at hindi transparent na sistema ng pamasahe. Layunin ng MC No. 2026-055 na magtakda ng malinaw at pare-parehong panuntunan upang maprotektahan ang riding public at matiyak ang makatarungan at makatwirang singil sa transportasyon.
Saklaw ng naturang patakaran ang lahat ng taxi operators at taxi units na gumagamit ng digital o app-based platforms.
Kabilang sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng MC No. 2026-055 ang:
* Paniningil ng hindi awtorisadong booking fee, platform fee, convenience fee, o iba pang kahalintulad na bayarin;
* Pagtatago o maling paglalahad ng mga singil sa pasahero;
* Dobleng paniningil o magkakapatong na booking-related charges;
* Paniningil ng bayaring wala sa aprubadong fare structure o electronic receipt; at
* Pagpapataw ng arbitraryo o dynamic booking charges nang walang paunang pag-apruba ng LTFRB.
Inaatasan din ang mga operator at platform providers na malinaw na ipakita ang lahat ng bahagi ng pasahe bago kumpirmahin ang booking, isama ang lahat ng awtorisadong singil sa electronic receipt o trip summary, at magpanatili ng talaan ng booking-related charges para sa audit, inspeksiyon, at pagsusumite ng mga ulat na maaaring hingin ng LTFRB.
Babala ng LTFRB, ang sinumang operator, platform provider, o driver na lalabag sa Circular ay maaaring patawan ng administratibong parusa, kabilang ang multa, suspensiyon o kanselasyon ng prangkisa o akreditasyon, at iba pang kaparusahan alinsunod sa umiiral na mga batas, alituntunin, at regulasyon.
(PAUL JOHN REYES)