• July 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PILIPINA AT NIGERIAN NATIONAL ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION SA CAVITE, ₱3.4-M HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA

NAARESTO ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office National Capital Region (PDEA RO-NCR), sa pamamagitan ng Southern District Office, sa pakikipagtulungan ng PDEA Cavite Provincial Office at ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) SOU 4A, ang isang Pilipina at isang Nigerian national at nakumpiska ang humigit-kumulang 500 gramo ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride, o mas kilala sa tawag na shabu, sa isang buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite.

Isinagawa ang operasyon bandang 2:42 ng madaling araw noong Hulyo 17, 2026, sa Bacoor Boulevard, Barangay Niog, Lungsod ng Bacoor.

Ang mga naarestong suspek ay isang 48-taong-gulang na negosyanteng Pilipina at isang 44-taong-gulang na negosyanteng Nigerian. Nahuli sila matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa isang undercover operative.

Narekober sa operasyon ang limang nakatali na transparent plastic bag na naglalaman ng humigit-kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nakatago sa loob ng isang asul na eco bag, na tinatayang aabot sa halagang ₱3.4-M.

Narekober din ang marked money na ginamit sa operasyon, dalawang mobile phone, identification card, ATM at cash card, isang GCash card, isang Palawan Suki card, at isang wallet.

Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Article II of Republic Act No. 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (PAUL JOHN REYES)