• July 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Paghahanda ng Kamara sa SONA 2026 ‘on track’

MALAPIT nang matapos ang mga paghahanda ng Kamara kaugnay sa major facility upgrades at safety preparations para sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand R. Marcos Jr. s Huyo 27 sa kabila ng masikip na panahon ng preparasayon.

Tapos na ang mga ginagawa sa ikalawa at ikatlong palapag ng Main Building habang ang improvements sa main staircase at hallways ay nasa final stages. Ang inilalagay na bagong Al Fresco areas sa North at South Lounges na inaasahang matatapos bago ang SONA.

Sinabi ni House Engineering and Physical Facilities Department (EPFD) Deputy Secretary General Engr. Renato Dela Torre na medyo naantala ang pagsisimula ng preparasyon ng Kamara bunsod na rin sa ibang paghahandang ginawa nito kabilang na ang pagho-host ng bansa sa ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) General Assembly at mga requirements kaugnay naman sa impeachment proceedings.

“Ang dami nating ina-attend-an na activities. Pumasok ‘yung preparation natin sa AIPA kasi tayo ang host, tapos may preparation din tayo sa impeachment. But meron naman kaming ginawang group na nakatutok doon sa bawat activities. Although medyo late pero on-schedule pa rin naman tayo in terms of preparation for SONA 2026,” paliwanag ni Dela Torre.

Ayon kay Dela Torre, may mga kaukulang teams ang itinalaga sa bawat major na proyekto upang masiguro na matatapos ang lahat ng preparasyon sa SONA.

Sa loob ng plenary hall, mananatili pa rin ang kabuuang set-up. Ang seating arrangements, guest capacity, at holding areas ay isusunod sa nakalipas na kaayusan matapos ang konsultasyon sa inter-agency planning meetings.

Tapos na rin ang mga safety preparations kabilang na ang evacuation plan sa pakikipag-koordinasyon sa Legislative Security Bureau (LSB), habang inihahanda na ng Institutional Information and Design Service (IIDS) ang emergency preparedness video na ipalalabas bago ang SONA. Ipapalabas sa video para sa mga bisita ang evacuation routes at emergency procedures upang masiguro ang kaayusan at ligtas na pagkilos ng mga attendees kung magkaroon man ng hindi inaasahang sitwayon.

(VINA de GUZMAN)