• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, MAS PINADALI AT INALIS ANG ABALA SA TRANSAKSYON SA FRANCHISE RENEWAL SA MGA TNVS SA ILALIM NG ATOC

LALO pang pinasimple ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng paggabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, ang proseso ng pag-renew ng prangkisa para sa mga sasakyang ginagamit sa ride-hailing services.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, bahagi ito ng pagpapatupad ng Memorandum Circular No. 2026-049, na nagpapalawig sa limang taon ng bisa ng Certificate of Public Convenience (CPC) ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa pamamagitan ng Authority to Operate Certificate (ATOC).

“Patuloy nating isinasakatuparan ang utos ni Pangulong Marcos na humanap ng mga paraan upang mapadali ang mga transaksyon para sa ating mga kliyente, partikular ang mga operator at drayber ng mga pampublikong sasakyan. Kaugnay nito, nais naming ipabatid sa sektor ng TNVS na hindi na nila kailangang magsumite ng aplikasyon para sa renewal o motion for conversion sa ilalim ng ATOC,” ani Chairman Vigor.

Sa advisory na inilabas noong Hulyo 14, sinabi ng LTFRB na ang lahat ng CPC ng mga TNVS na nananatiling valid at umiiral sa oras ng pag-effect ng Circular ay ituturing na awtomatikong na-convert bilang ATOC, nang hindi na kinakailangang magsumite ng aplikasyon para sa renewal o motion for conversion.

Ayon pa kay Chairman Vigor, saklaw din nito ang mga CPC ng mga awtorisadong yunit na gumagamit ng non-internal combustion engine (non-ICE) na teknolohiya.

“Nais naming ipabatid sa mga operator na ang kanilang CPC na kabilang sa nasabing klasipikasyon at malapit nang mag-expire ay hindi na kinakailangang i-renew, sapagkat ito ay awtomatikong na-convert bilang ATOC alinsunod sa Section 14(a),” nakasaad sa advisory.

Ipinaliwanag din ni Chairman Vigor na kung nais ng isang operator na makakuha ng pormal na kopya ng na-convert na ATOC, maaari siyang magsumite ng Manifestation sa Legal Division ng Board o sa Legal Section ng Regional Franchising and Regulatory Office (RFRO) na may hurisdiksyon sa kanilang lugar. Wala ring filing fee para rito.

Nilinaw din ng LTFRB na hindi saklaw ng awtomatikong conversion ang mga CPC na nag-expire na at may nakabinbing aplikasyon para sa renewal, o yaong nakansela, nabawi, nasuspinde, o hindi na valid bago magkabisa ang Memorandum Circular No. 2026-049. (PAUL JOHN REYES)