• July 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Buwanang social pension para sa mga PWD, isinulong

ISINUSULONG ni Nueva Vizcaya Lone District Representative Atty. Timothy Joseph “Tim” Cayton ang mga panukalang nagbibigay ng tunay na proteksyon at suporta sa mga pinaka-nangangailangan. Sa ilalim ng inihain niyang House Bill No. 9885 o ang Social Pension for Persons with Disability (PWD) Act, layunin niyang mabigyan ng buwanang social pension ang lahat ng kwalipikadong Persons with Disability (PWD) upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ayon kay Cayton, bagama’t may iba’t ibang benepisyo ang mga PWD sa ilalim ng umiiral na batas, marami pa rin ang nahihirapang tustusan ang dagdag na gastusin dulot ng kanilang kondisyon kabilang ang gamot, assistive devices, rehabilitasyon, transportasyon, at iba pang pangangailangan. Aniya, hindi sapat ang mga diskwento lamang, lalo na para sa mga PWD na may mababang kita o walang pinagkakakitaan.

Sa ilalim ng panukala, ang bawat rehistradong PWD na may valid PWD ID ay makatatanggap ng hindi bababa sa P1,000 buwanang social pension. Nakasaad din sa panukala ang mahigpit na sistema ng beripikasyon upang maiwasan ang duplication at fraud, regular na pagrepaso sa halaga ng pension batay sa inflation, at malinaw na grievance mechanism upang maprotektahan ang mga benepisyaryo.

“Ang kapansanan ay hindi dapat maging dahilan upang mas lalong malugmok sa kahirapan. Tungkulin nating tiyakin na ang ating mga kababayan na may kapansanan ay may sapat na suporta upang mamuhay nang may dignidad at ganap na makilahok sa lipunan,” ani Cayton.

Sa pamamagitan ng panukalang ito, muling ipinapakita ni Cong. Tim Cayton ang kanyang paninindigan na ang bawat sektor ng lipunan, lalo na ang mga PWDs, ay nararapat bigyan ng higit na pagkilala, proteksyon, at konkretong tulong mula sa pamahalaan.

(VINA de GUZMAN)