• July 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Overbilling sa kuryente, pinaiimbestigahan ng mambabatas 

PINAIIMBESTIGAHAN ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago sa House Committee on Energy ang naiulat na umano’y overbilling, maling meter readings, at mataas na electricity rates na ipinapataw ng Manila Electric Company (Meralco).

Pinuna rin ng mambabatas ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa kabiguan umano nitong protektahan ang mga consumers mula sa lumalaking bilang ng reklamo sa billing.

Ilan sa tinukoy ni Elago sa House Resolution 1189 na reklamo mula sa consumers ay ang pagdoble sa buwanang singil sa kuryente o minsan ay triple sa iba ng walang kaukulang pagtaas sa kanilang konsumo sa kuryente.

Kinuwestiyon din nito ang ginawang payo ng ERC sa consumers na i-monitor ang kanilang mga meter readings at bayaran ang singil “under protest” upang maiwasan ang disconnection. Lumilitaw na inililipat ng ahensiya ang pasanin sa tamang billing sa ordinaryong consumers.

“Tingin yata ng ERC, Spiderman ang mga konsyumer at kayang akyatin ang poste para mabasa ang metro. At paano mo sasabihing magbayad muna kahit under protest kung ang mismong dahilan ng reklamo ay wala nang kakayahang bayaran ang sobra-sobrang singil? Imbes na papanagutin ang Meralco, ipinapasa ng ERC sa mga konsyumer ang responsibilidad sa pagkakamali ng power distributor,” dagdag nito.

Sinabi ng mambabatas na layon ng imbestigasyon na madetermina kung sapat ang mga kasalukuyang mga batas at regulatory mechanisms para protektahan ang consumers at mapanagot ang mga power industry stakeholders sa pagtaas ng kanilang singgil.

“Ano pa ang silbi ng ERC kung hindi nito kayang protektahan ang mga konsumer laban sa malinaw na mga reklamo ng overbilling? Dapat alamin ng Kongreso kung bakit tila hindi napapanagot ang Meralco at kung paano mapapalakas ang mga batas upang tunay na maipagtanggol ang karapatan ng mamamayan,” ani Elago.

Muling nanawagan ang Gabriela na tuldukan ang privatization-driven model sa power sector at ibalik ang serbisyo sa suplay ng kuryente sa publiko.

“Batayang serbisyo ang kuryente at hindi dapat ginagawang negosyo. Hangga’t interes ng malalaking korporasyon ang inuuna sa halip na kapakanan ng mamamayan, magpapatuloy ang mataas na singil at kawalan ng pananagutan. Panahon nang unahin ang serbisyo publiko kaysa tubo,” pagtatapos ni Elago. (Vina de Guzman)