REPASUHIN NG NEA ANG PERFORMANCE RATING NG ELECTRIC COOPERATIVES
- Published on July 15, 2026
- by Francis Paolo Torres
MANILA — Nanawagan ang consumer advocacy group na ILAW Pilipinas sa National Electrification Administration (NEA) na baguhin ang sistema nito sa pag-evaluate ng performance ng mga electric cooperative (EC), dahil umano’y hindi ito sumasalamin sa tunay na karanasan ng mga consumer.
Ayon sa ILAW, masyadong nakatuon ang kasalukuyang rating system sa mga financial at operational indicators, ngunit hindi nito nasusukat ang kalidad ng serbisyo, bilis ng pagresolba sa reklamo, pagiging maaasahan ng suplay ng kuryente, at kasiyahan ng mga consumer.
Sa pinakahuling ulat ng NEA, 81 sa 121 ECs ang nakatanggap ng Green rating, habang 26 ang Yellow, anim ang Orange, at walo ang itinuring na Red o “ailing.” Iginiit ng ILAW na dapat ding isama sa pagsusuri ang karanasan ng mga miyembro-consumer at ang presyo ng kuryente upang maging mas makabuluhan ang performance ratings.
Hinikayat din ng grupo ang mga consumer na maging mas aktibo sa pag-unawa sa sektor ng enerhiya, paggamit ng mga complaint mechanism, at pananagot sa mga electric cooperative at regulator upang mapabuti ang serbisyo sa publiko.
(Gene Adsuara)