Caloocan LGU, pinalakas ang pagbibigay ng trabaho sa mga PWDs
- Published on July 15, 2026
- by Francis Paolo Torres
MAS pinalalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang kanilang pangako sa pagkakaloob ng trabaho sa mga Persons With Disability (PWDs), kasunod ng paglagda nito sa isang Memorandum of Agreement sa Be Connected Management Services.
Ang pakikipag-partnership ng lokal na pamahalaan sa naturang kompanya ay para sa “Project Ability and Mobility” na bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lungsod upang matiyak na ang bawat mamamayan ay may access sa mga oportunidad para sa makabuluhang trabaho.
Sa pamamagitan ng programa, ang mga kwalipikadong PWD ay makokonekta sa mga employer at magbibigay ng mas malawak na access sa mga trabahong kumikilala sa kanilang mga kakayahan.
Binigyang-diin ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na ang pamahalaang lungsod ay nakatutok sa paglikha ng pantay na pagkakataon para sa lahat ng mga residente at ang bawat indibidwal ay nararapat ng pagkakataong makapag-ambag sa komunidad.
“Tiwala po tayo sa kakayahan ng ating mga kababayan at titiyakin natin na sa ating liderato ay nabibigyan sila ng pantay na karapatan, oportunidad, at pagpapahalaga,” ani Mayor Malapitan. (Richard Mesa)