• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mambabatas, hindi pabor sa isinusulong ni Defense Sec Gibo Teodoro na taasan ang DND Budget 

HINDI pabor si Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio sa isinusulong ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro na taasan ang Department of National Defense (DND) budget katumbas sa 4% ng gross domestic product (GDP).

Naniniwala ang mambabatas na ito ay isang direct imposition ng interes ng US at pagsisilbi nito bilang mouthpiece umano ng US sa Pilipinas.

“Si Gibo ang numero unong tagapagsalita ng US sa Pilipinas. Ang kanyang panawagang pagtaas ng military spending ay hindi para sa ating mga pangangailangan kundi para sa interes ng US kontra sa China. Ang gusto ng US, Pilipinas ang gumastos para sa pagdepensa ng interes ng US, sa balangkas ng mapanlinlang nitong iskema ng ‘collective defense, ani Tinio.

Tinukoy nito ang May 2026 Shangri-La Dialogue sa Singapore, kung saan hiniling ni U.S. Secretary of Defense Pete Hegseth sa mga kaalyado sa Asia-Pacific na maglaan ng 3.5%- 5% ng GDP sa defense.

“Ito ang bagong estratehiya ng imperyalismong US—ang pag-uudyok sa ating bansa na gumastos ng bilyun-bilyong piso para suportahan ang kanilang geopolitical competition laban sa China,” pahayag ni Tinio. 

“Habang nagtutulak si Gibo para sa dagdag na pera para sa mga missile, fighter jet, barko, at submarine, nag-aaral sa mga siksikang klasrum na walang libro at internet ang ating kabataan, walang access sa sapat na healthcare ang napakarami, at walang disenteng pabahay ang mga maralita.”

Sinabi nito na hindi tulad ng Japan, South Korea, o European NATO members, di kakayanin ng Pilipinas ang malaking gastos para sa military expenditures ng walang sinasakripisyong importanteng social services.

“Mas kailangang unahin ang pagtataas ng budget sa edukasyon katumbas sa 6% ng ating GDP ayon sa UN. Gayon din sa serbisyong pangkalusugan na dapat ay 5% ayon naman sa WHO,” dagdag ni Tinio.

Nanawagan naman ang mambabatas sa gobyerno na ibasura ang pressure ng US at iprayoridad ang tunay na pangangailangan ng sambayanang Pilipino.

(Vina de Guzman)