Rapist na No. 5 most wanted sa NCRPO, nabitag ng Malabon Police sa Bulacan
- Published on July 14, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGWAKAS na ang halos limang taon na pagtatago ng isang most wanted na rapist sa Lungsod ng Malabon nang matunton ng pulisya sa manhunt operation sa Malolos, Bulacan.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang 44-anyos na akusado ay nakatala din bilang No. 2 sa Top Ten Most Wanted Person sa NPD at No. 1 sa Malabon City Police Station.
Kaagad ikinasa ng mga tauhan ni Malabon Police P/Col. Kenneth Mission ang operation laban sa akusado kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa kinaroroonan nito
Hindi na nakapalag ang akusado nang masukol ng pinagsamang mga operatiba ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section at WCPD sa Barangay Tikay, Malolos, Bulacan
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Family Court, Branch 4, Malabon City, noong September 24, 2021, para sa 2 counts of Qualified Rape, Acts of Lasciviousness in relation to Section 5(b) of R.A. 7610 at Section 5(b) of R.A. 7610 (Lascivious Conduct) ay pinosasan ng pulisya ang akusado.
Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa Qualified Rape habang may inilaang piyansa na P180K sa Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 at P200K para sa R.A. 7610 (Lascivious Conduct).
Pinuri ni Gen. Capili ang operating team sa kanilang pagsisikap na natugisin ang mga wanted person at tiyaking maihaharap sa hukuman ang mga taong may kinahaharap na mabibigat na kaso. (Richard Mesa)