• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, NAGKALOOB NG PABAHAY SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG YOLANDA SA SAMAR

OPISYAL nang ipinagkaloob ng National Housing Authority (NHA) ang nasa 366 yunit na pabahay sa mga pamilyang naapektuhan ng Super Typhoon Yolanda sa isang seremonyang ginanap sa Villareal, Samar noong July 8, 2026.

Ang mga yunit na bahagi ng Villareal Housing Project ay ipinagkaloob sa mga residente na dating naninirahan sa mga mapanganib at itinalagang “no-build zones.”

Ang proyekto ay ipinatupad sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) na may layuning mabigyan ng permanente at dekalidad na tirahan ang mga pamilya tungo sa kanilang pangmatagalang pagbangon. Ang bungalow-type na mga yunit ay may floor area na 26 sq.m hanggang 28.4 sq.m. at mayroong mga pasilidad tulad ng sala, kwarto, kusina, at banyo, pati na rin koneksyon sa kuryente, tubig, drainage, at sewerage system. 

Bukod sa opisyal na pamamahagi ng mga yunit, nagsagawa rin ang NHA ng ceremonial signing ng Deed of Donation and Acceptance (DODA) at Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng ahensya at ng lokal na pamahalaan ng Villareal, sa pangunguna ni Mayor Marilou R. Latorre. Nagkaroon din ng paggawad ng mga Certificates of Award sa mga benepisyaryo bilang tanda na ganap na nilang pag-aari ang mga ipinagkaloob na tahanan. 

Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng pasasalamat si RM Dayot sa mga stakeholders ng ahensya, habang kinikilala ang matiyagang paghihintay ng mga ito hanggang sa pagtatapos ng proyekto. Sinulong din nito ang responsableng pagmamay-ari ng mga tahanan at ang kahalagahan ng pananatili sa maayos na kondisyon ng mga naipamahaging yunit. 

Dumalo rin sa kaganapan sina Hon. Rita Elena A. Lim at Hon. Cleofe S. Camilon bilang kinatawan ng Sangguniang Bayan at representante ng Villareal Municipal Vice Mayor Carlo Jefferson Latorre,iba pang lokal na opisyal. 

Ang inisyatiba ay sumisimbolo sa patuloy na ugnayan ng NHA at ng iba’t ibang ahensya ng lokal at pambansang pamahalaan tungo sa pagbuo ng mas marami pang matatag at sustenableng komunidad, ayon na rin sa bisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na isang Bagong Pilipinas. 

(PAUL JOHN REYES)