₱1.5-M HALAGA NG MGA SUBSTANDARD NA SOLAR LIGHT AT PANEL, NAKUMPISKA SA OPERASYON NG CIDG SA BULACAN
- Published on July 11, 2026
- by Francis Paolo Torres
PATULOY na pinalalakas ng Philippine National Police (PNP) ang mga pagsisikap nito na protektahan ang publiko sa pamamagitan ng pinaigting na operasyon sa pagpapatupad ng batas, matapos makakumpiska ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng tinatayang ₱1.54-M halaga ng umano’y mga substandard na solar lights at panels sa isang operasyon sa Bulacan.
Noong Hunyo 30, 2026 hanggang madaling araw ng Hulyo 1, 2026, ang mga tauhan ng CIDG Eastern Metro Manila District Field Unit, sa pakikipagtulungan ng mga local police units, ay nagsagawa ng isang operasyon sa isang bodega sa Barangay Matungao, Bulakan, Bulacan, na humantong sa pagkakahuli ng isang suspek na kinilala sa alyas na “Han,” 35, isang Tsino at negosyante.
Isinagawa ang operasyon kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 7394 o ang Consumer Act of the Philippines, kasunod ng pagkakatuklas sa mga solar light at panel na umano’y hindi sumusunod sa itinakdang pamantayan sa kaligtasan at kalidad.
Binigyang-diin ng PNP, sa pamumuno ni Chief PNP Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., na ang mga operasyong tulad nito ay sumasalamin sa pangako ng organisasyon na pangalagaan ang mga komunidad at suportahan ang mga pagsisikap ng gobyerno na matiyak na ang mga mamimili ay protektado mula sa mga potentially unsafe products.
“Patuloy ang ating pagtutok sa mga operasyon na may direktang epekto sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan. Ang bawat aksyon ng PNP ay isinasagawa nang naaayon sa batas at may respeto sa karapatan ng lahat ng sangkot,” sabi ni Police General Nartatez.
Ang PNP ay nananatiling nakatuon sa paghahatid ng accountable at service-oriented policing sa ilalim ng banner ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” habang patuloy itong nakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya sa pagtataguyod ng mas ligtas na kapaligiran para sa lahat.
(PAUL JOHN REYES)