• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kaabang-abang ang mga magwawagi sa acting awards…Pitong natatanging pelikula, maglalaban-laban sa ’The 9th Eddys’ (ni: ROHN ROMULO) 

MULING magniningning ang Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts ngayong Linggo para sa ika-9 na edisyon ng Entertainment Editors’ Choice. 

Mas kilala ito bilang The Eddys, ang magsisimula ng local film awards season, na muling magbibigay-parangal sa mga pelikula at artistang nagpakita ng husay sa pagbuo ng pelikulang Pilipino sa nakalipas na taon.

Inorganisa ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), kikilalanin ng The Eddys ang mga natatanging tagumpay sa paggawa ng pelikulang Pilipino sa 14 na kategoryang maglalaban-laban, na nagbibigay-pugay sa mga gawang nakatulong sa paghubog at pagpapaangat ng lokal na cinematic landscape sa pamamagitan ng makapangyarihang pagkukuwento, matapang na artistikong pananaw, at teknikal na kahusayan.

Pitong natatangi at mahuhusay na pelikulang nagbigay ng makabuluhang pananaw sa karanasan ng mga Pilipino ang magtatagisan para sa Best Picture: “Bar Boys: After School”, “Eraserheads: Combo on the Run”, “I’mPerfect”, “Journeyman”, “Quezon”, “Sunshine”, at “UnMarry”.

Bibigyang-pugay din sa The 9th Eddys ang mga natatanging indibidwal na nag-iwan ng malalim na marka sa larangan ng entertainment at sa lipunan.

Nangunguna sa mga tatanggap ng espesyal na parangal ngayong taon ang “Box Office Hero” na si Vice Ganda para sa comedy-drama ng Star Cinema na “Call Me Mother”; si Maricel Soriano at ang cast ng “Meet, Greet, & Bye”; ang tambalang Kim Chiu at Paulo Avelino para sa romantic comedy na “My Love Will Make You Disappear”; at si Richard Gutierrez para sa pangunguna sa horror entry ng Regal Entertainment na “Shake, Rattle & Roll: Evil Origins”.

Igagawad din ang tatlong espesyal na pagkilala.

Ang Isah V. Red Award ay kumikilala sa mga indibidwal na ang mga gawain ay nag-aangat sa antas ng pamumuhay ng mga komunidad sa pamamagitan ng makabuluhang paglilingkod. Ang mga tatanggap nito ngayong taon ay ang corporate leader at philanthropist na si Chaye Cabal Revilla at ang aktor na si Donny Pangilinan.

Ang Joe Quirino Award ay mapupunta sa direktor at songwriter na si Joven Tan, na ang career journey mula sa entertainment journalism hanggang sa paggawa ng pelikula, ay nakagawa ng higit sa isang dosenang pelikula.

Ang Manny Pichel Award ay ibibigay sa television reporter na si Lhar Santiago para sa kanyang mga dekada nang kontribusyon sa entertainment journalism.

Magsisilbing hosts sina Concert Queen Pops Fernandez at television host and broadcaster Kim Atienza, ang star-studded ceremony ay ididirek ni Calvin Neria.

Magbubukas ang gabi sa isang espesyal na production number mula kina Fred Moser at Kanata ng Pinoy Big Brother, kasama ang young cast ng advocacy drama na “I’mPerfect”.

Ipapakita ng AKTOR PH chairman at founding president na si Dingdong Dantes ang mga patuloy na inisyatiba na binuo sa pakikipagtulungan sa SPEEd at Unilab.

Isang espesyal na pagtatanghal din ang ihahatid ng up-and-coming young singer-songwriter na si Isha Ponti, habang ang Inspirational Diva na si Jamie Rivera ay maghahatid ng emosyonal na song number para sa posthumous tribute segment, isang matinding bahagi ng programa na inaasahang magdadala ng panandaliang katahimikan sa gabi.

Magsasara ang seremonya sa pagtatanghal ni Andrea Gutierrez at ng singer-songwriter na si David Young.

Inorganisa ng SPEEd, ang The Eddys ay nananatiling isa sa mga pinaka-respetadong award-giving bodies sa bansa na nakatuon sa pagkilala sa kahusayan sa paggawa ng pelikulang Pilipino.

Ang 9th Entertainment Editors’ Choice ay nabuo sa kolaborasyon ng SPEEd, Newport World Resorts, PlayTime Entertainment, at Echo Jham Productions, kasama ang Gold Sponsors Globe Telecom at Unilab Inc.; Silver Sponsors SoundCheck Inc. at Puregold CinePanalo Film Festival; at Major Sponsors Luxent Hotel, Luxxe White, Beautéderm Corporation, Isha Ponti, at PlayaLolita Beach Resort Hotel and Restaurant.

Ang live streaming ng The 9th Eddys ay opisyal na mapapanood sa Facebook page ng Entertainment Editors’ Choice at YouTube channel nito, na may sabay-sabay na broadcast sa mga nangungunang media platforms.