• July 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

“A threat is a threat,” deklarasyon ng House prosecution panel 

MATAPOS ang ikatlong araw ng impeachment trial sa Senado kung saan kanilang ipinaliwanag na wala sa batas ang sinasabing “conditional threat.”

Ayon kay House prosecutor San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, ang “conditional threat” na nais na palutangin ng depensa ay hindi maituturing na totoong banta.

 “Alam niyo ho, siguro hindi nagma-matter kung conditional or absolute. In any case, wala naman po sa criminal law na conditional threat na tinatawag. Basta threat, basta nagawa po ang isang threat, ‘yun na po ‘yun, threat na po ‘yun,” pahayag ni Zamora.

“So kung nagtataka ang iba, ano ba ‘tong conditional threat? Kasi may condition daw na gagawin ito kapag nangyari muna ang isang bagay. Eh nasabi na din po ‘yung threat, di ba? So there is no such thing as a conditional threat,” dagdag ng kongresista.

Ayon naman kay Atty. Benjamin Tolosa Jr., legal spokesperson at counsel ng House prosecutors, ang pagsasabi na conditional ang pagbabanta sa buhay ng isang tao ay hindi nangangahulugan na mas malala ito kung patutunayan ang banta.

 “Consistent ho ‘yung position namin dyan kahit doon sa Article of Impeachment. That does not diminish the gravity of the acts done. It does not make it in any way right,” sinabi ni Tolosa. 

Sinabi ni Tolosa na ang testimonya ni John Mark Calilung, senior agent ng National Bureau of Investigation (NBI), ang nagpatibay sa posisyon ng prosecution.

Sa ginawang testimony ni Calilung, pinatotoo niya ang digital evidence at official government statements kaugnay sa ika apat na Articles of Impeachment kung saan inaakusahan si Duterte na kumontrata ng hitman upang patayin sina President Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos ar dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kung sakaling may mangyari sa kanya.

“Again, in the end, ‘yung pinakamaliwanag ho siguro dito nu’ng tinanong siyang diretsuhan kung ano ho ang personal na paniniwala niya diyan. Sinabi niya that threat is absolute. So I think ‘yan ho ‘yung pinaka-relevant na naging sagot tungkol sa bagay na ‘yan,” sabi ni Tolosa. (Vina de Guzman)