Agarang tulong mula sa Kamara at national gov’t sa mga komunidad na naapektuhan ng malawakang fishkill sa Isabela
- Published on July 10, 2026
- by Francis Paolo Torres
TINIYAK ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang agarang tulong mula sa Kamara at national government sa mga komunidad na naapektuhan ng malawakang fishkill sa Ramon, Isabela nitong nakaraang Lunes.
Sa pagbisita ni Dy sa mga nasabing komunidad, personal nitong inalam ang sitwasyon at anong tulong ang kinakailangan.
Aniya, naiulat na niya ang sitwasyon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Department of Agriculture bago nagtungo sa Isabela.
“Titingnan po natin kung ano pong pinaka-agaran at mabilis na paraan para makatulong tayo sa ating mga naapektuhang kababayan dito sa ating lalawigan ng Isabela,” sabi ni Dy.
Batay sa paunang ulat, libu-libong isda ang namatay sa mga fish cages malapit sa Magat Dam. Umaabot ₱120 million halaga ng isda ang namatay sa Magat, kabilang ang mahigit ₱20 million sa bayan ng Ramon.
“Ngayon kami po ay makikinig sa mga report para lalo pong kami rin ay makapagbigay ng update sa national para sa ganoon kung ano pa po ang dapat naming gawin para mabigyan natin ng tamang solusyon at tamang pagtulong sa ating mga naapektuhang kababayan dito sa ating lalawigan ng Isabela,” sabi ni Dy
Naunang naobserbahan ang mga namamatay na isda noon pang June 23, na dahil umano sa tagtuyot at sobrang init ng panahon na nagpababa sa lebel ng Magat Dam. (Vina de Guzman)