• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mike Defensor sa plunder case: ‘Ipatupad nang patas ang batas’

KINUWESTYON ni dating Congressman Mike Defensor kung ano ang tunay na pamantayan ng batas hinggil sa kasong plunder.

Ito ay matapos tuluyan nang sampahan siya at si Senador Rodante Marcoleta ng kasong plunder sa Sandiganbayan ngayong Biyernes, Hulyo 3.

Sa isang pahayag, iginiit ni Defensor na ang natanggap ni Marcoleta ay mga campaign donation at walang anumang sangkot na pondo ng gobyerno.

Wala rin aniya ninakaw mula sa kaban ng bayan at walang pabor na hiningi, ipinangako, o ibinigay kapalit ng donasyon, kaya nagtataka siya kung paano ito naging plunder o pandarambong.

Iginiit ng dating mambabatas na kung ganito ang isinusulong na “legal theory” ng pamahalaan, dapat itong ipatupad nang patas sa lahat.

Ibinahagi ni Defensor na base sa mga pampublikong dokumento, lumalabas na nagbigay ng donasyon ang mga sumusunod na opisyal sa kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong halalan kabilang ang P247 milyon mula kay Special Assistant to the President Anton Lagdameo, tig-P30 milyon mula kina PCSO General Manager Mel Robles at DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr.

Lahat umano sila ay itinalaga kalaunan sa mga matataas na posisyon sa gobyerno. Nilinaw naman ni Defensor na hindi niya sinasabing ilegal ito, kundi sinasabi lamang niya ang katotohanan. ( DARIS JOSE)