• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pag-aresto kay Sen. Marcoleta sa kasong plunder, walang kinalaman sa impeachment trial ni VP Sara 

ANG napipintong pag-aresto kay Sen. Rodante Marcoleta sa kinakaharap nitong kasong plunder ay walang kinalaman sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

Ito ay ayon kay dating Surigao del Norte congressman Robert Ace Barbers, tagapagsalita ng House prosecution panel at impeachment trial adviser.

Dinismiss ni Barbers ang pahayag ni Marcoleta na ang impending plunder case laban sa kanya at ang napipintong pag- aresto ay kabilang sa hakbang na tanggalin siya bilang isa sa mga senator-judges sa impeachment proceedings laban kay Duterte.

Ayon kay Barbers, walang kinalaman ang plunder case ni Marcoleta sa impeachment trial ni Duterte.

“Well, nirerespeto ko ‘yung kanyang (Marcoleta’s) opinion. In fact, karapatan niya ‘yan na ganyan ang kanyang paniniwala. Kaibigan po natin ‘yang si Senator Marcoleta, pero para sa akin, personally, walang kinalaman dito sa impeachment na ito ‘yung kasong kakaharapin niya,” ani Barbers. 

Sinabi ni Barbers na lininaw ng Office of the Ombudsman na ang plunder complaint laban kay Marcoleta ay nag-ugat sa pahayag at pag amin nito na nakatanggap siya ng P75 million mula sa tatlong “kaibigan” bilang campaign funds na hindi niya nai deklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) noong May 2025 mid-term elections.

Tinukoy ni Barbers na tinanggap umano ni Marcoleta ang pera noon nung siya’y naninilbihan bilang Sagip Party-list sa Kamara. Dito kumilos ang Ombudsman.

“Sabi ng Office of the Ombudsman, nanggaling sa kanya (Marcoleta) ang admission o revelation. At dahil sa information na ‘yan, umakto immediately ang government anti-graft body about it. So that’s another problem that must be resolved by Senator Marcoleta. But this has nothing to do with the impeachment trial of VP Sara Duterte,” sabi ni Barbers.

Idinagdag ni Barbers na ang pagkilos ng Ombudsman laban kay Marcoleta ay dahil sa mga dinetalye ng senador nung nahaharap siya sa kaso ng violation ng kanyang SOCE sa Commission on Elections (Comelec) na kalaunan ay na dismiss.

Iginiit ni Barbers na lahat ng legal na problema na kinakaharap ng bawat senator-judges ay hindi dapat iugnay sa impeachment proceedings. (Vina de Guzman)