• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

EDSA nabulaga sa ‘emergency rally’ ng INC

AMINADO ang Que­zon City government at Philippine National Police (PNP) na nabulaga sila sa ‘emergency rally’ ng Iglesia Ni Cristo (INC) malapit sa People Power Monument kasabay ng pahayag na walang permit ang rally noong June 30 at July 1.

Ayon kay Quezon City Department of Public Order and Safety head Elmo San Diego, biglaan ang dagsa ng mga sumama sa rally na nagsimula bandang alas-3 ng madaling araw.

“Biglaan lahat. Hindi naman kami prepared na magkaka-rally. Katatapos lang ng malaking­ event namin diyan sa People Power­ Monument noong Sunday at matahimik naman.

Nagulat na lang kami kaninang madaling­-araw na nagsimula na ‘yung mobilization,” ani San Diego.

Ani San Diego maituturing na illegal assembly ang ginawa ng INC bunsod ng kawalan ng permit subalit ipinatutupad pa rin nila ang maximum tolerance.

“Walang timeline, dahil wala silang permit, hindi napag-usapan. Hindi namin alam kung anong oras sila matatapos. ‘Yun ang malaking­ challenge sa atin nga­yon,” ani San Diego.

Kaugnay nito sinabi ni PNP Public Information Office chief PCol. Allen Rae Co, tatlong raliyista ang inaresto habang tatlong pulis naman ang sugatan matapos magkatensiyon nang tangkain ng mga raliyista na iharang ang mga bus sa northbound lane ng EDSA.

Pinag-aaralan na rin ng PNP ang posibleng pagsasampa ng kaso sa mga nasa likod ng protesta at nakikipag-ugnayan na rin sila sa INC upang maresolba ang isyu.