• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, masusing pinag-aaralan ang pagpapalawig ng P50/kilo cap sa imported rice

MASUSING pinag-aaralan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang rekomendasyon na palawakin ang P50 per kilo na maximum suggested retail price (MSRP) ng gobyerno pagdating sa imported na bigas, lampas sa nakatakdang expiration bilang bahagi ng pagsisikap na panatilihin na matatag ang presyo ng pagkain sa gitna ng global uncertainties.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na inirekomenda ng National Price Coordinating Council na palawigin ang price cap, na nauna nang ipinataw para pigilan ang tumataas na presyo ng bigas at protektahan ang mga mamimili.

“Inaaral pa po ito ng Pangulo para sa kanyang approval dahil tinitignan na malapit na ang anihan sa September kaya kino-consider ito ng Pangulo,” ayon kay Castro.

Nauna rito, inihayag ng Malakanyang na irerekomenda ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapalawig ng P50 kada kilo na maximum suggested retail price (MSRP) sa bigas na nakatakdang magtapos sa Hunyo 30.

“Sa kasalukuyan po, ang ating gobyerno ay nagbibigay ng mga abono at pataba sa ating mga magsasaka dahil planting season na so mas mababa ang cost production nila, which would mean lower po ang cost ng palay once harvest season,” anito.

Aniya pa, patuloy aniya na namumuhunan ang gobyerno sa post-harvest facilities at cold storage infrastructure para mabawasan ang ‘food losses’ at mapahusay ang supply chain efficiency. ( DARIS JOSE)