• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

CMU graduates binati ni Mayor Jeannie, 599 latin honors tatanggap ng cash grants

HINAMON ni Mayor Jeannie Sandoval ang 2,255 graduates ng City of Malabon University (CMU) na dalhin ang mga pagpapahalagang natutunan nila sa labas ng silid-aralan at gamitin ang kanilang pinag-aralan upang maiangat hindi lamang ang kanilang sarili kundi maging ang kanilang mga pamilya, komunidad, at Lungsod ng Malabon.

Ito ay sa isinagawang 31st CMU Commencement Exercises, na may temang “From Knowledge to Nation Building: Graduates at the Forefront of Change,” na ginanap noong Martes sa Philippine International Convention Center (PICC) Forum sa Pasay City.

Binati ni Mayor Jeannie ang mga nagsipagtapos sa pag-abot ng isang milestone na naging posible sa pamamagitan ng mga taon ng tiyaga, sakripisyo, at determinasyon. Ipinaalala niya sa kanila na ang pagkakaroon ng diploma ay hindi ang katapusan ng kanilang paglalakbay ngunit ang simula ng isang mas malaking responsibilidad na maging mga ahente ng positibong pagbabago.

“Hindi lamang diploma ang inyong tinatanggap ngayon, kundi ang responsibilidad na gamitin ang inyong kaalaman para sa kabutihan ng inyong pamilya, ng ating komunidad, at ng ating bansa. Dalhin ninyo saan man kayo makarating ang inyong pinagmulan, ang tapang, lakas ng loob, at pagpupursige dahil kayo ay mga tunay na Malabueño,” aniya Mayor Sandoval.

Sa 2,255 nagtapos para sa School Year 2025–2026, 599 na estudyante ang nakakuha ng Latin honors, kabilang ang 13 Summa Cum Laude na makakatanggap ng tig-P5,000, 260 Magna Cum Laude na tatanggap ng tig-P3,000, at 326 Cum Laude na mag-uuwi ng tig-P2,000 mula sa lokal na pamahalaan.

Hinikayat naman nina Senator Joseph Victor “JV” Ejercito at Atty. Marco Cicero F. Domingo, CHED-NCR Director III na kapwa nagsilbing guest speakers ang mga nagsipagtapos na maging produktibo.

Kinilala rin ni Mayor Jeannie ang suporta ng mga magulang, tagapag-alaga, miyembro ng faculty, at tauhan ng unibersidad na ang paggabay at sakripisyo ay nakatulong sa paghubog ng tagumpay ng mga nagtapos. Muli rin niyang pinagtibay ang pangako ng kanyang administrasyon sa pagsusulong ng de-kalidad na edukasyon sa Malabon.

Makalipas ang 33 taon, nakatanggap ang CMU ng Institutional Recognition mula sa CHED noong Mayo 2026, sa ilalim ng termino ni Mayor Sandoval.

Dumalo rin sa graduation rites sina City Administrator Dr. Alexander Rosete, First Gentleman Cong. Ricky Sandoval, City Councilours, CMU President Dr. Glen DV. de Leon, college deans, at university faculty at non-teaching personnel, at mga magulang ng mga nagtapos.

“Sa pangunguna ng ating kagalang-galang na Mayor Jeannie Sandoval, patuloy nating palalakasin ang edukasyon dahil naniniwala tayo na ang bawat kabataang nabibigyan ng pagkakataong makapagtapos ay nagiging pag-asa ng kanilang pamilya at ng kinabukasan ng ating lungsod,” sabi ni Dr. Rosete. (Richard Mesa)