• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

BABAE, PATAY SA PAGTAWID NG KALSADA SA TONDO

NASAWI ang isang 45-anyos na babae matapos siyang mabangga ng isang rumaragasang motorsiklo habang tumatawid sa Southbound lane ng Delpan Flyover sa Barangay 20, Tondo, Maynila, bandang alas-11:30 ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Cynthia Lamar y Burawis ng Parola Compound, Tondo, Manila. Agad siyang isinugod sa Gat Andres Bonifacio Medical Memorial Center ngunit idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor. Samantala, kinilala ang rider ng motorsiklo na si Gervin Efsali y Dilasa, 26, vendor ng Bakod Bayan, Cabanatuan City, NUeva Ecija, ay nasa kustodiya na ng pulisya.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bigla umanong tumawid ang biktima sa kalsada nang mabangga siya ng isang Yamaha Sniper 155 na motorsiklo. Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon siya ng ilang metro at nagtamo ng mga matitinding pinsala na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Inilipat na sa Manila District Traffic Enforcement Unit ang kaso para sa mas malalim na imbestigasyon. (Gene Adsuara)