• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PASAWAY NA RIDER AGAD NA INISYUHAN NG SCO NG LTO; SASAKYAN INALARMA, LISENSYA SUSPENDIDO

NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at rider ng isang Yamaha NMAX matapos itong masangkot sa isang insidente ng pag-counterflow na nakunan sa isang viral na video.

Sa video na ibinahagi ng Road Safety Advocates of the Philippines (RSAP), makikita ang rider, na may sakay na pasahero, na dumaan sa kabilang linya ng kalsada. Nang makasalubong ang isang SUV, nagsagawa ito ng biglaang maniobra at hinampas ang side mirror ng naturang sasakyan.

Lumilitaw rin sa video na ang motorsiklo ay may nakakabit na hindi awtorisadong blinker o accessories, na kabilang sa mga iniimbestigahang paglabag.

Bilang bahagi ng agarang aksyon ng ahensya, inaatasan ang rehistradong may-ari at ang rider na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) sa itinakdang pagdinig, at magsumite ng kani-kanilang sinumpaang salaysay o paliwanag kaugnay ng mga posibleng paglabag.

Kabilang sa mga iniimbestigahang paglabag ang Reckless Driving for Unauthorized Accessories, Driving Against the Flow of Traffic, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Inalarma na rin ng ahensya ang motorsiklong sangkot sa insidente. Kasabay nito, preventively suspended sa loob ng 90 araw ang driver’s license ng rider habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, hindi kukunsintihin ng ahensya ang mga motorista na nagpapakita ng iresponsableng asal at naglalagay sa panganib sa kapwa gumagamit ng kalsada.

“Malinaw na paglabag sa batas trapiko ang counterflow, at lalong hindi katanggap-tanggap ang anumang uri ng paninira ng ari-arian, paggamit ng hindi awtorisadong accessories, at agresibong pag-uugali sa kalsada. Patuloy nating pananagutin ang mga lumalabag sa batas upang mapanatiling ligtas ang ating mga lansangan,” saad ni Assistant Secretary Lacanilao.

“Nawa’y magsilbi itong babala sa lahat ng motorista na ang anumang paglabag sa batas at paglalagay sa panganib ng kapwa ay may kaukulang pananagutan. Pairalin natin ang disiplina, paggalang, at responsableng pagmamaneho sa lahat ng oras,” dagdag pa niya.

Tiniyak naman ng LTO na isasagawa ang imbestigasyon alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon. Hinihikayat din ng ahensya ang publiko na patuloy na makiisa sa pagsusulong ng kaligtasan sa kalsada sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga paglabag sa batas trapiko at pagpapanatili ng disiplina at responsableng pagmamaneho sa lahat ng oras.

 (PAUL JOHN REYES)