PULISYA SA DAVAO, NAMAHAGI NG HELMET SA MGA RIDER BILANG HAKBANG SA PAGLILIGTAS NG BUHAY
- Published on June 27, 2026
- by Francis Paolo Torres
BILANG bahagi ng kampanyang “Feel Safe, Feel Good,” personal na pinangunahan ng mga tauhan ng Regional Highway Patrol Unit 11 (RHPU 11) ang pamamahagi ng mga motorcycle helmet sa mga rider sa Davao Region. Layunin ng programa na hikayatin ang mas ligtas na pagmamaneho at mabawasan ang panganib ng malubhang pinsala sa mga aksidente sa kalsada.
Sa halip na puro pagpapatupad lamang ng batas, ipinakita ng mga pulis ang mas malawak na kahulugan ng kanilang tungkulin—ang pagprotekta sa buhay bago pa man mangyari ang anumang trahedya. Ang simpleng pamamahagi ng helmet ay naging simbolo ng malasakit at pagnanais na makauwi nang ligtas ang bawat motorista sa kanilang pamilya.
Pinuri ni Chief PNP, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang inisyatibang ito at ang mga pulis na patuloy na naghahanap ng mga paraan upang maging mas malapit at mas kapaki-pakinabang sa komunidad.
“Ang tunay na sukatan ng ating serbisyo ay hindi lamang kung ilang batas ang naipatupad kundi kung ilang buhay ang ating natulungan at naprotektahan. Ang isang helmet na naipamigay ngayon ay maaaring maging dahilan upang may isang ama, ina, o anak na makauwi nang ligtas bukas,” ani PGen Nartatez.
Dagdag pa niya, “Mahalagang makita ng publiko na ang pulis ay hindi lamang tagapagpatupad ng batas kundi katuwang din sa pangangalaga ng buhay at kapakanan ng bawat mamamayan. Sa maliliit na paraan, maipapakita natin ang malaking malasakit.”
Patuloy na hinihikayat ng PNP ang lahat ng motorista na gawing bahagi ng kanilang araw-araw na paglalakbay ang pagsusuot ng tamang protective gear at pagsunod sa mga batas-trapiko. Sa bawat ligtas na biyahe, isang buhay ang napapangalagaan at isang pamilya ang naiiwasan sa pangamba.
Ang ganitong mga inisyatiba ay patunay na ang kapulisan ay patuloy na nagsusulong ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman, kung saan ang malasakit sa mamamayan ay hindi lamang ipinapangako kundi aktuwal na isinasabuhay. (PAUL JOHN REYES)