Isko nilagdaan ‘Manila Safe Schools Initiative’
- Published on June 26, 2026
- by Francis Paolo Torres
NILAGDAAN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Executive Order No. 29, Series of 2026, na lumilikha sa “Manila Safe Schools Initiative” upang palakasin ang seguridad sa mga paaralan at maiwasan ang mga insidente ng karahasan.
Sa kanyang State of the City Address (SOCA), sinabi ni Domagoso na layunin ng programa na sugpuin ang mga ilegal na baril, agad aksyunan ang mga banta ng karahasan, at ihanda ang mga paaralan sa anumang emerhensiya.
“Hindi hihintayin ng Maynila na magkaroon ng trahedya bago kumilos,” ani Domagoso.
Sa ilalim ng kautusan, bubuuin ang Manila School and Community Safety Task Force na mangunguna sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa school safety, threat assessment, at emergency preparedness.
Inatasan din ang Manila Police District na paigtingin ang kampanya laban sa mga ilegal na baril at bumuo ng Threat Monitoring and Assessment Desk, habang ang Schools Division Office-Manila ay magtatatag ng School Safety and Threat Assessment Teams sa bawat distrito.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng programa na matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at komunidad sa pamamagitan ng maagap na pag-iwas sa karahasan at mas mahusay na paghahanda sa anumang banta o sakuna.