Alaala ni Dolphy, muling nabuhay sa big screen…’Home Along Da Riles: Da Reunion’, inendorso ng MTRCB (ni: ROHN ROMULO)
- Published on June 19, 2026
- by Francis Paolo Torres
MULING magbabalik ang tawanan, kuwentuhan at mga alaala ng paboritong kapitbahayan ng mga Pilipino matapos aprubahan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Home Along Da Riles: Da Reunion na may PG (Parental Guidance) classification.
Tiyak na tatagos sa puso ng maraming manonood ang reunion movie ng isa sa pinakasikat na sitcom sa kasaysayan ng telebisyon, na unang pinasikat ng yumaong Comedy King na si Dolphy.
Naging bahagi ng buhay ng maraming Pilipino ang Home Along Da Riles noong dekada ’90 dahil sa mga kuwentong sumasalamin sa pang-araw-araw na buhay, problema at tagumpay ng karaniwang pamilyang Pilipino na nakatira sa tabi ng riles.
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, na aminadong lumaki sa sitcom ng yumaong comedy king, maraming manonood ang tiyak na makakaugnay sa pelikula dahil sa nostalgia na hatid nito.
“Marami sa atin ang lumaki sa panonood ng Home Along Da Riles at sa mga aral at tawang hatid ni Tito Dolphy. Ang reunion film na ito ay siguradong magbabalik ng masasayang alaala sa maraming Pilipino,” ani Sotto.
Dagdag pa niya, hindi maiiwasang maalala ang Comedy King sa pagbabalik ng sikat na franchise.
“Mami-miss natin si Tito Dolphy sa reunion na ito. Ngunit nananatiling buhay ang kanyang pamana sa mga karakter at kuwentong minahal ng publiko sa loob ng maraming taon,” dagdag niya.
Bukod sa reunion movie, binigyan din ng PG rating ng MTRCB ang inaabangang animated film na Toy Story 5, na muling pagbibidahan nina Tom Hanks, Tim Allen at Joan Cusack bilang mga boses nina Woody at Buzz Lightyear.
Samantala, nakatanggap naman ng R-16 classification ang horror-thriller na Voice Message, ang science fiction film na Saccharine, at ang drama film na 10s Across the Borders/Patawid.
PG naman ang thriller film na Hungry, habang sumailalim din sa pagsusuri ng Board ang Megaworld Cinema exclusive na Premiere Cut: Tigers Are Not Afraid – Director’s Cut.
Hinimok naman ni Sotto ang mga magulang at manonood na patuloy na gamitin ang film classification system bilang gabay sa pagpili ng mga pelikulang panonoorin.
“Ang layunin ng MTRCB ay tulungan ang mga manonood na makagawa ng tamang pagpili. Sa pamamagitan ng ating mga klasipikasyon, mas nagiging gabay tayo sa responsableng panonood habang patuloy na sinusuportahan ang iba’t ibang kuwentong hatid ng pelikula,” aniya.